Militanteng unyon ng mga panadero, panalo sa eleksyon sa Laguna

Naipanalo ng militante at makabayang unyon na Panadero ng Philfoods Fresh Baked Product Inc (PPFBPI)-OLALIA-KMU ang eleksyon sa sertipikasyon para sa unyong kakatawan sa mga manggagawa ng pagawaan noong Setyembre 22. Nakakuha ng 295 na boto ang unyon sa kabuuuang 341 bumoto sa eleksyon, habang 25 boto ang nakuha ng katunggaling unyon.

Ang Philfoods Fresh Baked Product Inc ay kapatid na pagawaan ng Gardenia Bakeries na gumagawa ng tinapay para sa Gardenia, isang kumpanyang multinasyunal. Ang pagawaan ng Philfoods ay matatagupuan sa LIIP Avenue, Barangay Mamplasan, Biñan, Laguna.

Para ipagdiwang ang kanilang pagkakaisa, nagpiket ang mga manggagawa sa pagawaan sa araw na iyon. Ipinaabot naman ng iba’t ibang unyon at pederasyon ang kanilang pagbati at suporta sa tagumpay ng mga manggagawa.

Matatandaang ang unyon ng panadero sa Philfoods ay kumaharap sa panggigipit mula sa mga pwersa ng estado sa nagdaang mga buwan. Pagtatangka itong buwagin ang pagkakaisa ng unyon sa harap ng kampanya at paghahanda para sa sertipikasyon.

Noong Hunyo, binatikos ng unyon ng mga manggagawa sa Gardenia Bakeries Phils at Philfoods Fresh Baked Products ang panghihimasok ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa pahintulot ng mga kapitalista ng dalawang kumpanya, sa mga planta at internal na usaping pang-manggagawa ng mga ito. Naghain ng reklamo ang dalawang unyon sa Commission on Human Rights noong Hunyo 15 kaugnay nito.

Kwento ni Larry Mallorca, pangulo ng Unyon ng mga Panadero sa Philfoods Fresh Bake Products, “May 25, 2023, kami po ay iniskedyulan na magkaroon ng meeting kasama ng management…yung inexpect namin, management, tapos ngayon, maya-maya pinaakyat nila kami tapos, nakita namin, bakit may mga kapulisan, NTF-ELCAC, at saka yung may mga iba pang taong hindi namin kilala?”

Dagdag pa niya, “Nangagamba kami kung bakit nila sine-seminar sa amin yung mga ganong nangyayari na kami ay mga manggagawa lang na gumagawa ng tinapay… Sa organisasyon na binuo namin, ang ipinaglalaban namin, ay sapat na sahod, maayos na benepisyo, at kasiguraduhan sa trabaho. Nakakapagtaka bakit kami nila ginaganyan.”

Sa kabila ng mga panggigipit, ayon sa Alyansa ng Manggagawa sa Probinsya ng Laguna (Almapila), ang pagkapanalo ng PPFBPI ay patunay na wasto ang pagtatayo ng isang tunay, palaban, at makabayang Unyon laluna sa gitna ng tumitinding krisis pang ekonomya na patuloy na nagsusubsob sa mga manggagawa sa kahirapan.

Hinamon ng Almapila ang mga manggagawa sa Laguna na patuloy na mangahas, pagtibayin ang diwa ng sama-samang tulungan at tanggulan, at itayo ang tunay na unyon sa pagkakamit ng mga demokratikong karapatan.

AB: Militanteng unyon ng mga panadero, panalo sa eleksyon sa Laguna