Balita

Militarisasyon sa bayan ng Candoni para bigyan daan ang plantasyon ng oil palm, kinundena ng NDF-Negros

Kinundena ng National Democratic Front (NDF)-Negros Island ang pagbuhos ng 47th IB ng ilampung tropang militar sa mga barangay ng Candoni sa Negros Occidental sa nagdaang mga linggo. Anito, ginagamit ng pamilyang Consunji ang 47th IB para maghasik ng takot at itulak ang pangangamkam sa 6,652.32 ektaryang lupa.

Inagaw ng Hacienda Asia Plantations Incorporated (HAPI), sosyohan ng Sirawai Plywood and Lumber Corporation ng pamilyang Consuji at ni Alfred Joseph Araneta, ang ilang barangay sa Candoni at Hinobaan na plano nitong latagan ng ₱2 bilyong plantasyong oil palm.

Itinuturing na forest land (kagubatan) ang lupain at ang 4,000 ektarya nito ay lupang ninuno ng katutubong Ati. Sa pakikipagsabwatan sa lokal na gubyerno ng Candoni, Department of Environment at Natural Resources (DENR) at National Commission of Indigenous Peoples (NCIP), naagaw ng mga Consuji ang naturang lupang pampubliko. Binigyan ng permiso ang kumpanya na gamitin ang lupa sa loob ng 25 taon at maaaring palawigin nang dagdag pang 25 taon.

Sa pahayag ni Ka Bayani Obrero, tagapagsalita ng NDF-Negros Island, ibinahagi niyang 13 sakahan na sumasaklaw sa 63 ektaryang lupa ang binuldoser na ng korporasyon. Pinigilan na ang mga magsasaka na bungkalin ang kanilang lupa dahil sinimulan na dito ang konstruksyon ng kumpanya.

“Para tiyakin ang madulas na paggulong ng proyekto, nagpapatrulya ang mga maton ng Consunji sa erya, naghahasik ng takot sa populasyon,” ayon kay Ka Bayani. Katuwang nila sa panggigipit sa mga lider magsasaka ang 47th IB. Sinasabotahe ng mga abugado ng mga Consunji ang ligal na laban ng mga magsasaka.

“Maging ang kamakailang mga operasyong militar sa Candoni at katabing mga bayan sa ika-6 na distrito na nagtatayo ng mga tsekpoynt at blokeyo sa pagkain ay nagsisilbi ring proteksyon sa mga proyekto,” ayon sa tagapagsalita. Patunay ito na ang mga sundalo ng rehimeng Marcos ay nagsisilbi para sa mga panginoong maylupa at naghaharing mga uri, aniya.

Sa harap nito, nanawagan ang NDF-Negros Island sa mga tagapagtanggol ng kalikasan, tagapagtanggol ng karapatang-tao, taong-simbahan, at iba pang mga demokratikong sektor na suportahan at makiisa sa laban ng mga magsasaka at katutubong mamamayan para sa kanilang lupa.

AB: Militarisasyon sa bayan ng Candoni para bigyan daan ang plantasyon ng oil palm, kinundena ng NDF-Negros