NDFP consultant sa Ilocos-Cordillera, inaresto ng mga pwersa ng estado sa Ilocos Norte
Iligal na inaresto ng mga pwersa ng estado ang konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at tagapagsalita ng Cordillera People’s Democratic Front (CPDF) na si Simeon “Ka Filiw” Naogsan noong Oktubre 21, sa Barangay 1, Sta. Rita sa Bacarra, Ilocos Norte. Nagpapagaling si Naogsan mula sa pagpapagamot sa ospital nang arestuhin siya, ayon sa kanyang pamilya.
Ayon sa mga saksi, pinalibutan at binarikadahan ng mga unipormado at nakasibilyang pulis ang kabahayan na tinutuluyan ni Naogsan nang alas-5 ng umaga. Pinagbawalan din ang mga kapitbahay niya na lumabas sa kanilang bahay habang isinasagawa ang pag-aresto.
Unang dinala si Naogsan sa Baccara Municipal Police Station at basta na lamang inalis mula sa istasyon nang hindi ipinabatid sa kanyang pamilya. Nalaman na lamang ng pamilya na dinala siya sa ospital at kasunod na ipiniit sa Ilocos Norte Provincial Police Office sa Laoag City. Nakausap ng pamilya at paralegal si Naogsan sa presinto sa limitadong panahon lamang. Pinagbawalan din silang kumuha ng kanyang larawan.
Kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas ang pag-aresto kay Naogsan at iginiit ang kagyat na pagpapalaya sa kanya. Ayon kay Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido, ang pag-aresto kay Ka Filiw ay labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Sa ilalim ng JASIG, dapat kinilala ang karapatan ni Naogsan na mabigyang-proteksyon laban sa pag-aresto at iba pang akto ng panggigipit.
Ang JASIG ay pinirmahan ng mga kinatawan ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at NDFP noong Pebrero 24, 1995 sa Nieuwegein, The Netherlands.
Ani Valbuena, inaresto si Ka Filiw sa “layunin ng rehimeng Marcos na parusahan siya sa paglilingkod niya sa malawak na masa ng mga manggagawa, magsasaka, mga minorya, at iba pang mga inaaping uri at sektor, lalo na sa rehiyon ng Ilocos-Cordillera.”
Nanawagan ang mga grupo sa karapatang-tao sa Ilocos at Cordillera na palayain si Naogsan sa makataong mga batayan. Labis ang pag-aalala ng pamilyang Naogsan sa kalusugan ni Ka Filiw. Sa isang liham na inilabas nila sa pamamagitan ng Ilocos Human Rights Alliance, nanawagan silang bigyan ng makataong pagtrato si Naogsan at kilalanin ang kanyang karapatan sa pagpili ng sariling abugado.
Ang pag-aresto kay Naogsan ay kasunod ng pag-aresto sa isa pang konsultant pangkapayapaan ng NDFP na si Porferio Tuna sa Tagum City, Davao del Norte noong Oktubre 2. “Ang mga pag-aresto na ito ay hindi nakatutulong sa pagbubuo ng tiwala sa negosasyong pangkapayapaan at lumilikha ng seryosong pagdududa sa mga intensyon ng gubyerno ng Pilipinas kaugnay ng pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa NDFP,” pahayag ni Valbuena.