Balita

Neoliberal na kasunduan sa kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at South Korea, niratipikahan ng Senado

,

Niratipikahan ng Senado sa botong 21 pabor, 1 tutol at 1 abstain ang Resolution No. 1188 na pumapatungkol sa Free Trade Agreement (FTA) sa pagitan ng Pilipinas at South Korea noong Setyembre 18. Binukas ng kasunduang ito ang lokal na ekonomya ng Pilipinas sa lalupang pagdagsa ng murang mga produktong South Korean.

Pipinsalain ng FTA na ito ang maliliit na industriya at agrikulturang Pilipino. Sa ilalim ng kasunduan, tatanggalin ang mga taripa sa 94.8% mga produktong South Korean na pumapasok sa bansa. Kalakhan dito ay mga pyesang elektronik para mga sa pagawaan sa semiconductor na pagmamay-ari ng mga dayuhang kumpanya (marami mga Korean din), mga pyesa at buong sasakyan, shampoo at sabon at mga produktong agrikultura. Sa bahagi ng South Korea, tatanggalin diumano ang ipinapataw nitong taripa sa mga produktong saging, pinya at iba pang produkto ng malalaking komersyal na plantassyon.

Tanging si Sen. Koko Pimentel ang tumututol sa kasunduan. (Ang kanyang kasama sa minority bloc na si Sen. Risa Hontiveros ay bumoto pabor sa patakarang neoliberal na ito.) Hindi kumbinsido si Pimentel na makikinabang dito ang mga Pilipinong magsasaka dahil pabor ito sa malalaking korporasyon sa agrikultura na may monopolyo sa mga pagkaing iniimport ng bansa.

Ayon kay Sonny Africa ng Ibon Foundation, mas dapat pagtuunan ng pansin ng gubyernong Pilipino ang paglalatag ng sariling industriya dahil malamang na walang malaking maidudulot sa ekonomya ang pagtanggal ng mga taripa sa mga produktong dati nang inieksport ng Pilipinas.

Aniya, ang FTA ay wala sa balangkas ng pambansang industriyalisasyon, at sa gayon ay isa itong hakbang paurong. Ang mga pamumuhunan sa FTA na ito ay hindi nakapaloob sa lokal na ekonomya para mag-ambag sa mas masaklaw na pagpapaunlad ng pambansang industriyalisasyon, aniya.

Ayon naman sa Federation of Free Farmers, malayong mas malaki ang bentahe na matatamo ng South Korea sa pagtatanggal ng taripa sa kanilang mga sasakyan at kotse, at wala sa ordinaryong magsasakang Pilipino. Anito, anumang pakinabang ay mapupunta lamang sa mga multinasyunal na may hawak sa kalakhan ng mga produktong inieksport ng Pilipinas, tulad ng Del Monte at Dole.

AB: Neoliberal na kasunduan sa kalakalan sa pagitan ng Pilipinas at South Korea, niratipikahan ng Senado