Balita

Operasyong haras, inilunsad ng BHB-Central Negros para ipagtanggol ang masa sa atake ng 62nd IB

Kaagad na rumesponde at inatake ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros (Leonardo Panaligan Command) ang tropa ng 62nd IB na walang patumanggang namaril sa isang sibilyan sa Barangay Trinidad, Guihulngan City, Negros Oriental noong Nobyembre 21.

Ayon sa ulat, alas-10 ng umaga ay bigla na lamang pinagbabaril ng limang sundalo ng 62nd IB ang magsasakang si Rene Nellas sa Sityo Columbia habang nasa kanyang bukid. Ligtas na nakatakbo si Nellas.

Lingid sa kaalaman ng militar, mayroong yunit ng BHB-Central Negros malapit sa lugar. “Pagkarinig ng mga Pulang mandirigma sa putukan, kaagad silang nagmaniobra at hinaras ang limang tropa ng pasistang sundalo,” ayon kay Ka JB Regalado, tagpagsalita ng BHB-Central Negros.

Aniya, ipinamalas ng mabilisang tugon ng yunit ng BHB-Central Negros ang kahandaan nito na ipagtanggol ang masa laban sa pasistang atake ng armadong pwersa ng rehimeng Marcos. Pinuri ni Ka JB ang katapangan at determinasyon ng mga Pulang mandirigma na mapagpasyang kumilos.

Ang tropa ng 62nd IB ay kabilang sa 16-kataong yunit na dumating sa Sityo Columbia noong gabi ng Nobyembre 20. Pumwesto ang mga ito malapit sa mga kabahayan, isang hakbang na nagsasapanganib sa sibilyang populasyon.

AB: Operasyong haras, inilunsad ng BHB-Central Negros para ipagtanggol ang masa sa atake ng 62nd IB