Oplan Sabit, inilunsad ng NDF-Rizal sa Taytay para sa ika-55 anibersaryo ng BHB

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Matagumpay ang mabilisang pagsasabit ng mga pwersa ng National Democratic Front (NDF)-Rizal at Kabataang Makabayan (KM)-Rizal ng kanilang inihandang likhang-sining na balatengga sa matataong lugar sa bayan ng Taytay noong Marso 29, sa araw mismo ng ika-55 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Naglaan ng tatlong araw ang mga pwersa ng NDF at KM-Rizal para kolektibong ipinta ang kanilang alay na likhang-sining para gunitain ang anibersaryo ng BHB. Mahusay at masigasig na nakilahok ang mga kabataang artista at magsasaka para sa paggawa ng kanilang obra.

Isinabit ang balatengga sa isang tulay malapit sa Manila East Road at sa isang tulay sa tabi ng Rosario Ocampo Elementary School (ROES) dahil maraming tao at mga sasakyan ang dumaraan dito. Inaasahan na ang kanilang matingkad na likhang-sining ay makaagaw-pansin sa maraming mamamayan at ipaabot ang pagdiriwang ng anibersaryo ng hukbong bayan at ang panghihikayat sa mga kabataan na lumahok sa armadong pakikibaka.

Ayon sa NDF-Rizal, “kitang-kita ang masikhay na paggampan ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kanilang tungkulin para sa pagpapasigla ng rebolusyonaryong kilusang propaganda.” Noong Marso 28 lamang, inilunsad din ng NDF-Rizal ang pamamahagi ng polyeto sa Alay Lakad sa Antipolo. Nakatakda din ito ang iba’t ibang aktibidad upang itanghal at ipagdiwang ang anibersaryo ng BHB.

Pahayag ng KM-Rizal, hindi balakid sa kanila ang pananakot at pasismo na isinasagawa ng 80th IB at 2nd ID para patuloy na paigtingin ang pakikibaka ng kabataan at mamamayan. “Araw-araw kaming kumbinsido na pumanig sa rebolusyonaryong kilusan at ialay ang buong oras para ipakilala sa maraming bilang ng kabataan ang armadong pakikibaka upang kanilang lahukan,” pagdidiin ng grupo ng kabataan.

AB: Oplan Sabit, inilunsad ng NDF-Rizal sa Taytay para sa ika-55 anibersaryo ng BHB