Balita

Pagbubuo ng Provincial Task Force-Elcac sa Cebu, tinuligsa ng mga progresibong grupo

Kinundena ng mga progresibong grupo sa Central Visayas ang pagbubuo ng lokal na gubyerno ng Cebu ng Provincial Task Force-Elcac noong huling linggo ng Disyembre 2025. Ang ahensya ay binuo sa bisa ng Executive Order No. 61, Series of 2025 na inilabas ni Cebu Gov. Pamela Baricuatro.

Katulad ng pambansang upisina nitong National Task Force-Elcac, deklaradong layunin ng ahensya na magpapatupad ng koordinadong pagsisikap para tugunan ang “insurhensya” sa Cebu. Ang prubinsya ay idineklarang “insurgency-free” ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noon pang Marso 2010, magdadalawang dekada na ang nakararaan.

Ayon sa Karapatan-Central Visayas, ang hakbang na ito ng lokal na gubyerno ng Cebu ay nagdudulot ng seryosong pagkabahala para sa karapatang-tao. Banta rin ito sa mga komunidad, lalo na sa gitna ng tumitinding militarisasyon at pagsupil sa mga sibil na kalayaan, ayon sa grupo.

Mula nang naitatag ang NTF-Elcac noong 2018 ay bantog na ito sa pag-profile ng mga aktibista, red-tagging ng mga sibilyan, panghaharas sa mga komunidad, at pagpilit sa mga indibidwal na ‘sumuko’ bilang mga “rebelde.” Nakatitiyak ang Karapatan-CV na patitindihin ng lokal na upisina nito sa Cebu ang patung-patong nang mga paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan sa prubinsya.

Mula noong 2025 ay naitala ng grupo ang pinaigting na presensyang militar at kaakibat na pagnunupil sa mga komunidad kung saan lumalaban ang mamamayan para sa kanilang karapatan. Kabilang dito ang mga komunidad ng magsasaka at mangingisda sa Toledo City, sa Minglanilla, Pinamungajan at Aloguinsan. “Nangangamba kami na magsisilbi lamang ang task force para patindihin pa ang mga ganitong pang-aabuso sa tabing ng ‘kapayapaan at kaayusan’,” ayon sa grupo.

Naniniwala rin ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Central Visayas na walang maitutulong sa mga Cebuano ang PTF-Elcac dahil hindi naman usapin sa seguridad ang krisis na kinahaharap ng prubinsya. Anang grupo, ang krisis na dinaranas ng prubinsya ay kagutuman, kawalan ng trabaho, pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mapanganib na mga lugar ng trabaho, kakulangan sa abot-kayang pabahay, mahinang serbisyong pangkalusugan, at lumalalang pagkasira ng kalikasan.

“Ang pagbuo ng isa pang sangay ng Elcac ay hindi makakalutas sa mga problemang ito. Inililihis lamang nito ang pondo ng bayan mula sa tunay na pangangailangan ng mamamayan,” pahayag ng Bayan-Central Visayas. Nanawagan ang grupo sa lokal na gubyerno na ibasura ang inilabas na kautusang nagbuo sa PTF-Elcac.

Ang bagong tatag na ahensya ay pamumunuan ni Gov. Baricuatro bilang tagapangulo at ni Vice Gov. Glenn Anthony Soco bilang ikalawang tagapangulo. Makakasama nila sa ahensya ang matataas na upisyal sa seguridad, hustisya, mga sektor sa lokal na gubyerno at maging mga kinatawan ng mga organisasyong civil society.

Magsisilbi rin umanong “tagapayo” nga PTF-Elcac ang Special Action Committee ng Provincial Peace and Order Council at mga kinatawan ng mga relihiyosong grupo kabilang ang Arsobispo ng Cebu. Popondohan ang ahensya ng pera mula sa Office of the Governor.

AB: Pagbubuo ng Provincial Task Force-Elcac sa Cebu, tinuligsa ng mga progresibong grupo