Pagdukot at pagpatay sa 2 mandirigmang hors de combat sa Iloilo, kinundena

,

Kinundena ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southern Panay (Napoleon Tumagtang Command) ang pagdukot at sadyang pagpatay ng mga pwersa ng estado sa dalawang mandirigmang wala sa katayuang lumaban noong Hulyo 29. Sa naunang pahayag ng 61st IB, pinalalabas nito na napatay sina Jenny Fariolan (Ka Hope) at John Eric Talibo (Ka Blue) sa isang sagupaan sa Barangay Tagsing, Leon, Iloilo.

Si Fariolan ay 33-anyos na residente ng Barangay Cabalaunan, Miagao habang si Talibo ay 26-anyos na residente ng Barangay Indaluyon, Igbaras.

“Walang engkwentrong nagyari. Hindi sila armado nang hinuli at sinalbeyds,” pahayag ni Ka Ariston Remus, tagapagsalita ng BHB-Southern Panay. Kasinungalingan at drama ang ipinalabas na engkwentro at pawang mga itinanim ang ebidensya at mga damit na ipinasuot sa mga biktima, aniya.

Maging ang ama ni Talibo ay hindi naniniwalang nagkaroon ng engkwentro at doon napaslang ang kanyang anak. Sa isang panayam ng lokal na midya kay Barangay Kapitan Susanito Talibo ng Barangay Indaluyon, Igbaras, sinabi niyang malinis ang damit ng kanyang anak at walang kahit anong indikasyon na nagkaroon ng palitan ng putok. Dagdag pa ng kapitan, hindi malayong pinatay ang dalawa bago dinala sa lugar para ibalandra ang katawan sa putikan at palabasin na nagkaroon ng engkwentro.

Sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin ng digma, ang mga taong wala sa katayuang lumaban (hors de combat) ay dapat pangalagaan at kilalanin ang mga karapatan. Sila ay may “karapatan sa paggalang sa kanilang buhay, dignidad, mga karapatang pantao, mga paniniwalang pampulitika,…at pangangalagaan sa lahat ng sirkunstansya at makataong itatrato nang walang pagtatangi…”

Ipinagbabawal sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang anumang aksyong magreresulta sa pagdurusang pisikal o pagpuksa sa mga taong nasa ilalim ng proteksyon nito. Labag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.

Mga bayani ng sambayanan

Pinarangalan naman ng BHB-Southern Panay ang dalawang Pulang mandirigma. “Binibigyan namin ng pinakamataas na pagpupugay sina Ka Hope at Ka Blue,” ayon sa pahayag. “Ang kamatayan nila ay ibayong magpapalagablab sa rebolusyonaryong katapangan at pag-aklas ng masang anakpawis.

AB: Pagdukot at pagpatay sa 2 mandirigmang hors de combat sa Iloilo, kinundena