Pagdukot sa dalawang buntis na Pulang mandirigma, kinundena ng grupong kababaihan

,

Nagpahayag ng lubhang pagkabahala ang grupo ng kababaihan na Gabriela sa pagdukot ng mga sundalo ng 402nd IBde sa dalawang buntis na mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ayon sa ulat, dinukot sila sa haywey ng Barangay Libertad, Butuan City noong Nobyembre 3, 2022. Hindi pa sila inililitaw hanggang sa kasalukuyan.

Kinilala ang dalawa bilang sina Aurily Havana (Ka Laiza), 23 taong gulang, at residente ng Barangay Lydia, La Paz, Agusan del Sur; at si Jennifer Binungkasan (Ka Laile), 19 taong gulang, mula sa Sityo Bulak, Barangay Lower Olave, Buenavista, Agusan del Norte.

Ayon sa pahayag ng grupo, “nakapanghihilakbot na nag-umpisa ang 2023 sa malulubhang kaso ng paglabag sa karapatan ng kababaihan.” Iginiit nila sa administrasyong Marcos Jr na itaguyod ang mga prinsipyo at patakaran ng International Humanitarian Law.

Gayundin, binigyang diin nila na malulutas lamang ang armadong tunggalian sa pagitan ng gubyerno at pwersa ng BHB kung kikilalanin ng gubyerno ng Pilipinas ang mga ugat ng armadong tunggalian at ipatutupad ang mga repormang sosyo-ekonomiko at pampulitika tulad ng repormang agraryo, pambansang industrisyalisasyon at pagrespeto sa karapatang-tao.

Itinulak rin ng Gabriela ang Commission on Human Rights na kagyat imbestigahan ang insidenteng ito at gumawa ng mga hakbang para hanapin at ilitaw ang dalawang buntis.

“Obligasyon ito ng gubyerno ng Pilipinas sang-ayon sa International Humanitarian Law na dapat ay protektahan ang karapatan ng mga sugatan, buntis at walang kakayahang lumaban na mga kombatant laban sa karahasan,” ayon pa sa grupo.

Samantala, nabawi na ng pamilyang Rebita si Baby Rhea, ang 3-buwang sanggol na ginawang hostage ng 402nd IBde para pasukuin ang kanyang mga magulang na parehong Pulang mandirigma. Noong Disyembre 29, 2022, ala-5 ng hapon, unang nasilayan ng lola si Baby Rhea matapos ihatid ang sanggol ng isang hindi nagpakilalang babaeng ahente ng militar. Dalawang araw bago nito, inilabas sa social media ang nakabidyong apela ng kanyang magulang na ilitaw siya.

Ipinanganak si Baby Rhea noong Oktubre 12, 2022 habang iligal na nakabimbin ang kanyang inang si Cherilyn (Ka Jan, isang Pulang mandirigma). Si Ka Jan ay iligal na hinawakan ng militar sa loob ng 69 araw sa isang “safehouse” ng militar sa Nasipit, Agusan del Norte. “Pinalaya” siya noong Nobymebre 3, 2022 sa kundisyong pasusukuin niya ang kanyang asawang si Ka Logan. Sapilitang kinuha sa kanya si Baby Rhea na noo’y ilang linggo pa lamang.

 

AB: Pagdukot sa dalawang buntis na Pulang mandirigma, kinundena ng grupong kababaihan