Pagkamatay ng akademiko at tagapagtanggol sa karapatang-tao sa India, isinisisi sa rehimeng Modi
Namatay noong Oktubre 12 si GN Saibaba, 57, tanyag na akademiko at tagapagtanggol sa karapatang-tao sa India, dahil sa atake sa puso. Pumanaw siya habang nagpapagamot sa Nizam Institute of Medical Sciences Hospital.
Isinisi ng iba’t ibang sektor sa reaksyunaryong gubyerno sa India ang pagkamatay ni Saibaba. Anila, isa itong mantsa sa gubyerno ni Narendra Modi, ang ultra-nasyunalistang prime minister ng bansa. Tinawag ni Vijay Prashad, isang internasyunal na aktibista, ang pagkamatay ni Saibaba bilang “institusyunal na pagpatay ng estadong nagsampa ng gawa-gawang kaso laban sa kanya, sa kabila ng ilang ulit na pagwawalang-sala ng iba’t ibang korte.”
Pitong buwan pa lamang nakalalaya si Saibaba matapos ang isang dekadang pagkakakulong sa gawa-gawang kaso. Sa kulungan, sadyang ipinagkait kay Saibaba, na may disabilidad dulot ng polio, ang angkop na atensyong medikal. Paulit-ulit siyang tinanggihang magpyansa, at sa isang pagkakataong nakalabas sa kulungan ay muli ring inaresto matapos ang ilang buwan.
Unang inaresto si Saibaba, kasama ang lima pa, noong Mayo 2014 sa kasong paglabag sa Unlawful Activities Prevention Act. Nakapagpyansa siya matapos ang isang taon, pero muling inaresto sa suspetsang may kaugnayan siya sa Communist Party of India-Maoist.
Nagpaabot ng pinakamataas na pagpupugay ang ILPS kay Saibaba sa kanyang pagpanaw.
“Si Saibaba, na mahigpit na humawak sa ideolohiyang Marxista-Leninista-Maoista mula pa noong siya ay estudyante, ay habambuhay na tagapagsulong ng isang lipunang walang pagsasamantala at pang-aapi,” pahayag ng International League of Peoples’ Struggles (ILPS). “Matatag siyang nanindigan laban sa imperyalismo, mapagsamantalang neoliberal na “kaunlaran,” mapaniil na mga batas, at terorismo ng estado na nagtataguyod sa lahat ng ito.”
Isa si Saibaba sa prominenteng mga intelektwal na tumuligsa sa Operation Green Hunt na inilusad ng estadong Indian laban diumano sa CPI-Maoist, pero malawakang puminsala sa mamamayang Adivasi. Batid ni Saibaba, at marami pa sa India, na ang Operation Green Hunt ay tabing lamang para palayasin ang mga Adivasi sa kanilang mga komunidad at bigyang daan ang pagpasok ng mga dayuhang kumpanya para dambungin ang natural na mga rekurso sa kanilang lupang ninuno.
Liban sa kanyang matatag na paninindigan para sa inaaping mamamayan sa India, kilala rin si Saibaba sa maraming progresibong internasyunal na organisasyon. Kasama siya sa pagtatatag ng ILPS noong 2001, at nagsilbi sa International Coordinating Committee nito. Aktibo siyang nagsilbi sa liga sa loob ng isang dekada, bago siya iligal na inaresto at inilagay sa solitary confinement.
Sa panahon ng kanyang pag-aresto, nagtuturo siya bilang assistant na propesor sa Ram Lal Anand College, Delhi University. Nagtapos siya ng PhD sa kursong English.
Noong Oktube 2017, hinatulan siyang nagkasala sa kasong “terorismo,” pero ibinasura ito ng mas mataas na korte. Noong Marso, tuluyang ibinasura ang mga kaso laban kay Saibaba at kanyang mga kasama.