Pagtatalaga ng kroni ni Marcos Jr sa Department of Agriculture, binatikos

, ,

Binatikos ng mga grupong magsasaka, manggagawang-bukid at mangingisda ang pagtatalaga ni Marcos Jr kay Francisco Tiu-Laurel Jr bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA). Anang mga grupo, ang ipinalit ni Marcos sa poder ay katulad niyang walang alam sa agrikultura at walang rekord ng pagsisilbi sa bayan. Malinaw din umanong pabor ito ng pangulo kay Tiu-Laurel bilang isa sa nagpondo sa kanya noong eleksyon.

“Tiyak na dala-dala ni Tiu-Laurel Jr ang interes niya sa negosyo at pagpaling niya sa kanyang uri. Bilang nagmula sa isang pandaigdigang conglomerate sa pagkain, siya at ang negosyo ng kanyang pamilya at katulad niyang mga naghaharing kumprador ay tiyak na makikinabang sa kanyang bagong pusisyon,” ayon kay Ka Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Si Tiu-Laurel Jr ay ang pangulo ng Frabelle Group of Companies na may kaugnayan sa mga negosyong deep-sea fishing (pangingisda sa malalim na karagatan), aquaculture, pagdedelata, pagmamanupaktura ng pagkain, pagpuproseso, importasyon at pangangalakal ng pagkain, operasyon at konstruksyon sa mga daungan, real estate, at power generation (kuryente).

Hawak ng Frabelle ang 117 sasakyang pandagat na nangingisda ng tuna at sardinas. Si Tiu-Laurel Jr ay may personal ding interes sa reklamasyon sa Manila Bay bilang pangulo ng Bacoor Seafront Corp. at Diamond Export Corp.

Ayon sa KMP, dahil kinakatawan niya ang interes ng malalaking negosyo, tiyak na wala siyang alam sa kalagayan ng maliliit na mga magsasaka at mangingisda na pinakamahihirap sa bansa.

Para sa grupo ng kababaihang magsasaka na Amihan, sa pagkakatalaga ng isang kinatawan ng oligarkiya sa DA, “mas lalong aasa lang [ang ahensya] sa importasyon at walang plano para palakasin ang lokal na produksyon.”

Anang grupo, dapat ilantad ang mga ganitong mga pakana ni Marcos Jr at kasabwat niyang mga oligarko. Dapat umanong magkaisa ang mga demokratikong sektor para tuluy-tuloy na isigaw ang tunay na solusyon—ang tunay na reporma sa lupa at pagpapalakas sa lokal na produksyon.

Nakiisa din sa hanay ng mga magsasaka at mangingisda si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro sa pagbatikos sa tinawag niyang “politically payback” sa pagtatalaga kay Tiu Laurel Jr. Nagbigay ng ₱30 milyon si Tiu-Laurel Jr sa pagtakbo ni Marcos Jr noong eleksyong 2022.

AB: Pagtatalaga ng kroni ni Marcos Jr sa Department of Agriculture, binatikos