Balita

Pagtitipon at protesta laban sa NATO, inilunsad bago ang pagpupulong nito sa US

, ,

Nagtipon noong Hulyo 7 sa Washington DC sa United States ang 60 grupong anti-imperyalista sa ilalim ng Resist NATO (North Atlantic Treaty Organization) para ipanawagan na itigil na ang mga gera ng US sa Ukraine at iba pang bahagi ng mundo, gayundin ang henosidyo nito sa Palestine. Nagmartsa sila tungong White House (upisyal na tirahan ng presidente ng US).

Bago nito, inilunsad ng mga grupo ang Resist NATO Summit na dinaluhan ng 300 indibidwal. Tinalakay ng mga tagapagsalita dito ang mga imperyalistang gera na inilulunsad at sinusulsulan sa Europe, Middle East at Asia; at tumitinding panunupil ng mga imperyalistang estado sa sariling mamamayan. Itinaon nila ang mga ito bago ang pagpupulong ng mga bansang NATO sa Washington sa Hulyo 7-9 para sa okasyon ng ika-75 anibersaryo nito.

“Sa pamamagitan ng ating magkaugnay na pakikibaka at kapangyarihang mamamayan, binubuo namin ang aming kolektibong lakas para itakwil ang kontra-mamamayang pagtitipon ng mga warmonger (manunulsol ng gera) na nagkokoordina ng imperyalistang karahasan sa buong mundo,” pahayag ng Resist NATO. Bahagi ng kampanyang ito ang International League of Peoples’ Struggles at mga Pilipino-Amerikanong grupo tulad ng Bayan-USA at Anakbayan-USA.

Nasa unahan ng NATO ang US at ito ang pangunahing nagdidirihe sa koalisyon, ayon sa Resist NATO. May akses ito sa anumang base militar ng NATO sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nagsisilbi itong armadong bisig sa mga gerang pinangungunahan ng US at pinakikilos nito ang mga katuwang na bansa para simulan at suportahan ang gera nito sa Russia, at sa pagitan nito at ng China. Suportado ng NATO ang kampanyang henosidyo na inilulunsad ng US at Israel sa Gaza. Binubuo ng 32 bansa sa Europe at North America ang NATO. Itinatag ito noong 1949 para maging instrumento ng US sa Europe matapos ang World War II.

Liban sa Washington, nagkaroon ng katulad na mga martsa sa Philadelphia at New York. Panawagan nila na tutulan ang NATO, labanan ang mga imperyalistang digmang agresyon.

AB: Pagtitipon at protesta laban sa NATO, inilunsad bago ang pagpupulong nito sa US