Balita

Pagwawalang-sala kina Enrile, Napoles at mga sangkot sa PDAF pork barrel scam, malaking inhustisya

,

Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang naging desisyon ng Sandiganbayan na ibasura ang kasong pandarambong laban sa mga sangkot sa PDAF Pork Barrel Scam. Tinawag ng Bayan ang naturang desisyon bilang isang “malaking inhustisya at bigwas sa laban ng mamamayang Pilipino laban sa korapsyon.”

Ipinawalang-sala ng Sandiganbayan Third Division noong Oktubre 4 sina Juan Ponce Enrile, upisyal niyang si Atty. Jessica “Gigi” Reyes, at negosyanteng si Janet Lim Napoles sa kaso ng pandarambong sa ₱172-milyong pork barrel. Anang korte, bigo ang prosekusyon na patunayan ang krimen ng tatlo.

“Pinahihina nito ang maraming taon ng pagsisikap para panagutin ang mga makapangyarihang upisyal tulad nina Enrile, at mga fixer tulad ni Napoles, para sa pagnanakaw sa bansa ng bilyun-bilyong piso na nakalaan para sa kapakanan ng publiko,” pahayag ng Bayan.

Ayon sa grupo, nakabibigla na walang napaparusahan sa kabila ng daan-daang milyong piso na ninakaw ni Enrile sa pamamagitan ng mga pekeng proyekto ni Napoles. “Baka sa huli ang sisihin pa dito ay ang mga pekeng members ng mga ghost NGO ni Napoles,” dagdag ng grupo.

Ang pagwawalang-sala umano ay naghahatid ng isang napakadelikadong mensahe. Ipinakikita nito na kayang takasan ng mga nasa kapangyarihan ang hustisya at pananagutan.

Ang kasong ito ay isa lamang sa patung-patong na mga krimen ni Enrile laban sa mamamayang Pilipino. Sangkot rin siya, at naging pangunahing tagapagpatupad, ng malupit na batas militar ng diktadurang US-Marcos.

AB: Pagwawalang-sala kina Enrile, Napoles at mga sangkot sa PDAF pork barrel scam, malaking inhustisya