Balita

Pamimilit sa manggagawa na pumasok sa gitna ng bagyo sa Bulacan, kinundena ng grupo ng kababaihan

,

Kinundena ng Kilusang ng Manggagawang Kababaihan (KMK) ang mga kumpanya sa e-commerce at mga subkontraktor nito na tumangging magsuspinde ng trabaho sa bodega nito sa Bulacan nang tumama ang bagyong Uwan noong Nobyembre 11. Pinakamalalaki sa mga kumpanyang ito ang Lazada, Shopee at Tiktok Shop.

Nagkataong nanalasa ang bagyo habang may “11/11 marketing sale” o araw na may diskwento sa bentahan ang naturang mga kumpanya. Ayon sa ulat na nakalap ng organisasyon, kinailangan suungin ng kababaihang manggagawa ang baha para makarating sa bodega kung saan ginagawa ang pagbabalot, pagsasalansan at paghahanda para sa deliberi ng mga pakete. Binatikos ng organisasyon ang paglabag sa mga pamantayan ng kaligtasan at kalusugan ng mga manggagawa sa panahon ng bagyo.

“Ganito ang buhay ng mga manggagawang kababaihan na nasa likod ng mga big sale ng mga e-commerce companies. Literal na umaraw man o bumagyo, tuloy ang kanilang pagbabalot at pagbubukod-bukod ng mga parcel para sa sale tulad ngayong 11/11,” ayon kay Jacq Ruiz, tagapagsalita ng KMK.

Ang masahol, kapalit ng pagdurusang ito ang napakababa na sahod. Umaabot lamang sa ₱550 ang sahod ng mga manggagawawa sa mga kumpanyang e-commerce. Mas mababa ito nang P20 kumpara sa itinakdang minimum na sahod na P570 noong Oktubre 30 para sa Central Luzon.

“Nakakagalit ang mga ganitong kwento ng paghihirap sa oras ng matinding sakuna. Hindi nararapat na inuuna ng malalaking kumpanya ang malaking tubo kaysa sa kaligtasan ng kanilang mga manggagawa,” dagdag ni Ruiz.

Tuwing malakas ang ulan, isa ang Bulacan sa dumaranas ng labis-labis na pagbaha dahil sa palpak at ghost na mga proyektong flood control.

AB: Pamimilit sa manggagawa na pumasok sa gitna ng bagyo sa Bulacan, kinundena ng grupo ng kababaihan