Balita

Pamumuhunan ng Maharlika Fund sa mapangwasak na pagmimina, kinundena

, , ,

Mahigpit na kinundena ng mga magsasaka, katutubo at progresibong ekonomista ang paglagak ng Maharlika Investment Fund (MIF) sa Makilala Mining Company, isang kumpanya ng mapangwasak na pagmimina sa Kalinga na pag-aari ng lokal na malaking burgesya kasosyo ang isang kumpanyang Australian.

Naiulat na $76.4 milyon o ₱4.42 bilyon ang ipupuhunan ng MIF sa kumpanyang ito. Malaon nang tinututulan ng mamamayan sa Cordillera ang mga operasyon ng pagmimina sa kanilang mga lupang ninuno, kabilang ang operasyon ng Makilala.

“Bakit namumuhunan ang Maharlika Fund sa industriya ng pagmimina at tinutulungan ang isang dayuhang kumpanya na kumita mula sa nauubos na rekurso ng ginto at tanso ng bansa?” tanong ni Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation at isa sa mga convenor ng Tama Na Alliance. Ipinakikita nito ang kahandaan ng MIF na tulungan ang mga dayuhang kumpanya na dambungin ang mga lokal na rekurso sa kapinsalaan ng katutubong mga komunidad at kapaligiran, aniya.

Sa pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, tinawag nitong “matinding bigwas” sa mamamayan ng Cordillera ang pasya ni Ferdinand Marcos Jr na mamuhunan sa Makilala. Anito, hindi lamang pinapaburan ni Marcos ang mapangwasak na mina, ginagamit nito mismo ang pera ng sambayanan para sirain ang mga ilog na nagsisilbi sa irigasyon ng mga lupang agrikultural sa Kalinga, at isinasapeligro ang produksyon ng palay sa rehiyon.

Naharap na ang mamamayan sa Kalinga sa pinsalang dala ng pagmimina sa panahon ng diktadurang Marcos. Muli silang nahaharap sa katulad na paglaban sa panahon ng kanyang anak. Ayon sa KMP, tulad sa nakaraan, handa silang ipaglaban ang kanilang mga komunidad laban sa panibagong atake ng isa na namang Marcos.

AB: Pamumuhunan ng Maharlika Fund sa mapangwasak na pagmimina, kinundena