Balita

Panawagan para sa pagpapalaya kay Chantal, lumalawak

,

Lumahok ang iba’t ibang balangay ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at Migrante sa pandaigdigang kampanya para sa agarang pagpapalaya ni Chantal Anicoche, isang aktibistang Fil-Am na iligal na idineditine ng militar. KAsalukuyan siyang nasa ng 2nd ID at nakadetine sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal. Pinalabas ng militar na “natagpuan” nila si Anicoche sa isang hukay malapit sa lugar kung saan nagkaroon ng engkwentro ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan at militar sa Abra de Ilog, Mindoro noong Enero 1.

Dagdag sa panawagang agad na palayain si Anicoche, nanawagan din ang mga grupo ng hustisya para sa mga biktima ng pambobomba sa komunidad ng mga katutubo sa Abra de Ilog at pagpapanagot sa AFP sa mga krimen nito sa kanayunan.

Sa US, nagprotesta ang mahigit 50 Pilipino sa Seattle at sa embahada ng Pilipinas sa Washington DC noong Enero 8. NAgprotesta naman ang mga grupong Pilipino sa harap ng upisina ng Philippine Consulate sa New York City noong Enero 10. Bago nito, nabigay ng sulat Bayan Northeast kay Consul General Senen T. Mangelile upang humingi ng dayalogo at igiit sa gubyerno ng Pilipinas na palayain si Anicoche mula sa kustodiya ng militar. Sa halip na tugunan ang imbitasyon, ipinadala lamang ang sulat sa Pilipinas.

Sa Canada, nagprotesta ang mga grupo sa Joyce Skytrain station, Vancouver noong Enero 11, at sa labas ng Philippine Consulate sa Toronto, Alberta at Vancouver, at sa embahada ng Pilipinas sa Ottawa, Ontorio noong Enero 12. Nagbigay din ang mga grupo mula sa Vancouver, BC ng petisyon para sa pagpapalaya ni Anicoche kay Deputy Consul General Uy, para ipadala ito sa Department of Foreign Affairs at sa Office of The President.

Sa UK, nagprotesta sa labas ng embahada ng Pilipinas sa London noong Enero 12 ang komunidad ng mga Pilipino sa pangunguna ng Migrante-UK, at International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP)- Britain. Lumahok din sa pagkilos ang Anakbayan-UK, London-Philippine Solidarity, at International League of Peoples Struggle -UK. Bago ang protesta, nagtangka ang mga kinatawan ng Migrante, Anakbayan at ICHRP na magpadala ng sulat kay Teodoro Locsin Jr., ambassador ng Pilipinas sa UK, ngunit isa lang ang ipinahintulutang pumasok at tinanggap lang ng istap ang kanilang sulat.

Sa Pilipinas, muling nagprotesta ang Migrante International sa Department of National Defense noong Enero 12. Bago ang protesta, dalawang beses sinubukan ng grupo na dalawin si Chantal sa Camp Capinpin ngunit hindi sila pinahintulutan. Sa halip ay nagpakawala ang kampo ng mga aset nito sa paniktik at hinaras at tinakot ang grupo.

Kinundena din ng grupo ang pagpwersa ng 2nd ID kay Anicoche na pumirma sa dokumento para manatili siya sa kampo. Anito, dapat tigilan na ng militar ang panggigipit, pananakot, pagbabanta o pagtortyur sa kanya.

“Pinailalim ng AFP si Anicoche sa kanilang kustodiya ng lampas sa itinaktdang ligal na panahon. Hindi na sila nahiya sa pambobomba ng Abra de Ilog, kung saan tatlong batang Mangyan at isang kabataang researcher ay pinatay nila. Ikukulong pa nila si Chantal nang walang batayan. Dapat palayain na siya,” pahayag nis Joanna Concepcion, tagapangulo Migrante International.

Nananawagan din para sa pagpapalaya ni Anicoche ang mga balangay ng Migrante sa Hong Kong, New Zealand, Europe at Thailand, ang Asia Pacific Coalition for Human Rights in the Philippines at ICHRP-USA.

AB: Panawagan para sa pagpapalaya kay Chantal, lumalawak