Balita

Pang-aabuso sa kababaihan ni Paolo Duterte, dapat imbestigahan

,

Nanawagan ang Gabriela ng buo, kagyat at walang kinikilingan na imbestigasyon hinggil sa insidenteng kinasasangkutan ni Paolo “Pulong” Duterte, kasalukuyang kinatawan sa Kongreso ng unang distrito ng Davao. Kabilang sa nais paimbestigahan ng grupo ang nababalitang kinasasangkutan ni Duterte na mga kaso ng prostitusyon at pang-aabuso.

Matatandaang kumalat ang isang bidyo na kuha mula sa isang CCTV noong Pebrero 23 sa Davao City, kung saan makikitang tinatakot at sinasaktan ni Duterte si Kristone John Patria, isang bugaw. Nagsampa ng kasong Physical Injury at Grave threats si Patria laban kay Duterte.

Ayon sa salaysay ni Patria, nagalit diumano si Duterte nang di nakakuha ng babae ang kanyang bodyguard at mas lalo daw itong nagalit nang tanungin sya nang isa sa mga babae na binugaw kung bakit P1000 lamang ang kanyang nakuha at hindi ang pinangako sa kanya na ₱13,000.

“Nakababahala na walang anumang imbestigasyon hinggil sa posibleng pang-aabuso at pagsasamantala sa kababaihan sa nasabing insidente. Malubha rin kaming nababahala sa mga ulat ng paggamit ng mga babae na pinasok sa prostitusyon para sa pribadong kasihayan ng mga nakaupong mga pulitiko. Kung mapatunayang totoo, malinaw ito na kaso ng sekswal na pagsasamantala at hindi dapat itong palampasin-lalo na kung imbwelto ang mga upisyal at tumatakbong upisyal” saad ni Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

“Ang pangyayaring ito ay manipestasyon ng malalim nang nakaugat na mababang pagtingin sa kababaihan at pag-abuso sa kapangyarihan na siyang patuloy na nambibiktima sa mga kababaihan sa buong bansa. Kung mapatunayang totoo, isa lamang ito sa mga kaso ng “tulad ng ama, ang anak” -malinaw na umiiral ang mababang pagtingin sa kababaihan sa pamilyang Duterte” dadgdag ni Palce.

Ayon kay Dr. Jean Lindo, ikatlong nominado ng Gabriela Women’s partylist, “Ito ang malagim na katotohanan para sa mahigit 2,000 kababaihang pinasok sa prostitusyon sa Davao City. Aniya, dahil sa tumataas na presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho at limitadong akses sa serbisyong panlipunan at napipilitan silang pumasok sa prostitusyon. “Pinili ni Duterte na abusuhin ang kanyang kapangyarihan at mambiktima ng kababaihan. Dalawang beses naabuso ang mga kababaihan: una, nang sistema na nagpabaya sa kanila at mga lalake na nagsasamantala sa kanilang desperasyon”.

“Dapat magkaroon ng pananagutan ang mga salarin na imbwelto sa insidente. Ang mga babaeng napasok sa prostitusyon ay nararapat na tratuhin nang may dignidad at maproteksyunan mula sa muling pang-aabuso at pagsasamantala. Nanawagan kami sa publiko na tanggihan ang mga kandidatong nagpapatuloy ng karahasan laban sa kababaihan. Dapat ring protektahan ang kagalingan ng mga kababaihang pinasok sa prostitusyon.” ayon sa Gabriela Women’s Party Southern Mindanao.

AB: Pang-aabuso sa kababaihan ni Paolo Duterte, dapat imbestigahan