Panggigipit ng pulis at militar sa mga magbubukid ng Cavite, kinundena
Kinundena ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (Kasama-TK) ang pinatinding panggigipit ng pulis at militar sa mga magsasaka sa Lupang Ramos at sa Barangay Tartaria, kapwa sa Cavite, mula noong ikalawang linggo ng Setyembre.
Noong Setyembre 9, nagtayo ng isang tsekpoynt ang mga pwersa ng estado sa bukana ng Lupang Ramos sa Dasmariñas City para sa “gun ban” sa eleksyon na dapat ay sisimulan pa sa Enero 2025. Sa sumunod na araw, pwersahang pinasok ng 50 pinagsamang pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police, Task Force Ugnay, at lokal na gubyerno ang komunidad ng Lupang Ramos sa tabing ng pag-iinspeksyon kaugnay sa African Swine Fever.
Kaagad nagtirik ng barikada ang mga magsasaka at residente dahil alam nila ang layunin ng pwersahang pagpasok ng mga armadong ahente ay para takutin sila para lumayas sa lugar. Pinangunahan ang pagkilos ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos (Kasama-LR) na matagal nang lumalaban para sa karapatan ng mga residente sa lupa.
“Ang presensya ng mga kapulisan at militar na silang nangunguna sa red-tagging, harassment, intimidation at surveillance sa mga magsasaka at residente ng aming komunidad ay isang malaking panganib, banta at lumilikha ng takot sa aming mga mamamayan,” pahayag naman ng Kasama-LR.
Kasabay ng insidenteng ito, lantaran ang intimidasyon ng mga sundalo at kapulisan sa Lupang Tartaria sa Silang na ikinabahala ng mamamayan at mga magsasaka dito. Sa tapat ng isang tindahan sa Tartaria, tumigil nang ilang oras ang apat na sasakyan ng pulis. Mayroon din itong kasamang isang 6×6 na trak ng militar na may tatlong baril sa bubong, at tatlong V150 na mga tangke ng militar.
Ayon sa Kasama-TK, ang katulad na mga kaso ng pagbabanta, panghaharas, at intimidasyon sa mga lupang sakahan ay walang humpay sa Southern Tagalog na pinangungunahan ng Task Force Ugnay at National Task Force-Elcac. Batid ng grupo na bahagi ito ng koordinadong atake ng estado na kinatatampukan ng sunud-sunod na kaso ng pagdukot sa mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magbubukid sa Rizal at Mindoro, pwersahang pagpapasuko sa mga magniniyog at magbubukid sa Quezon, at pang-aatake ng 59th IB sa mga mananaliksik na boluntir ng ng Kasama-TK sa Batangas.