Balita

Paramilitar at ahenteng datu sa Surigao, sinungaling

,

Pinasinungalingan ni Ka Sandara Sidlakan, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Surigao del Sur, ang mga paratang ni Rico Maca, isa sa mga Indigenous People Mandatory Representative ng San Miguel, na mga Pulang mandirigma ang nasa likod ng tangkang pagpaslang sa isang lider-Lumad sa Barangay Tina, San Miguel noong Enero 29.

Ayon sa imbestigasyon ng BHB-Surigao del Sur, alas-10 nang gabi nang paputukan ng hindi nakilalang indibidwal si Datu Adonis M. Alimboyong sa kanyang bahay sa Purok 1. Tinamaan sa tagiliran si Alimboyong at tumagos ang bala na tumama sa isa pang kinilalang si Julieta Dumagyo. Napag-alaman na ang salarin ay bigla na lamang lumapit sa biktima mula sa madilim na lugar at nakasuot ng face mask at sumbrero.

Mabilis na isinisi ang krimen sa BHB kahit walang sapat na ebidensya at imbestigasyon. Sa isang pahayag ni Maca, sinasabi niyang walang duda na BHB ang gumawa nito. Binanggit niya na si Datu Alimboyong ay isa umano sa mga “lumalaban sa panghihimasok ng BHB at rekrutment sa kabataan.”

“Walang katotohanan ang ipinapakalat ni Rico Maca,” ayon kay Sidlakan. Isinaad ng BHB na sa mga tala at rekord nito, walang kasalanan sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ang dalawang biktima kung kaya’t hindi sila target ng anumang aksyong militar.

Samantala, ipinunto ni Sidlakan na 150 metro lamang ang layo ng pinangyarihan sa pinakamalapit na istasyon ng pulis, at na mahigpit na pinaiiral ngayon ang Comelec gun ban kaugnay ng eleksyon. “Dapat ikunsidera na mayroong mga alitan sa pagitan ng mga Lumad lalupa at papalapit na ang eleksyon at iba pang anggulo sa insidente bago magbuo ng kongklusyon,” ani Sidlakan.

Puspusang binatikos ni Sidlakan si Maca at ang National Intelligence Coordinating Agency-Caraga sa walang-batayang pagpaparatang na ito sa BHB. “Lagi na nila itong ginagawa para tabunan ang katotohanan at ilayo ang pokus sa imbestigasyon,” dagdag pa niya.

“Walang ibang layunin ang mga ito kundi siraan ang pangalan ng BHB,” pagtatapos ni Sidlakan.

Si Maca ay kunektado sa grupong paramilitar na nag-ooperasyon sa mga barangay ng San Miguel. Lumalahok din siya sa mga pagpapatrulya at operasyong kombat ng militar sa naturang bayan. Kabilang siya sa mga nagdeklara-sa-sarili na datu na iniharap ng Malakanyang sa midya noong Setyembre 2015.

AB: Paramilitar at ahenteng datu sa Surigao, sinungaling