Balita

Pasistang lider ng Bangladesh, napatalsik ng mga protesta

, ,

Napatalsik ng mamamayang Bangladesh ang prime minister ng bansa na si Sheik Hasina kahapon, Agosto 5, sa gitna ng dambuhalang mga protesta laban sa kanyang paghahari. Sa eksenang nagpaalala sa pagpapatalsik ng mga Pilipino sa pamilya ng diktador na si Ferdinand Marcos, napilitan si Hasina at kanyang pamilya na lisanin ang kanilang tinitirhan at dali-daling sumakay ng helikopter palabas ng bansa. Kasalukuyang nakasukob sa India si Hasina.

Napalayas si Hasina isang araw matapos maganap ang pinakamadugong protesta sa bansa, kung saan pinaulanan ng bala ng mga pulis ang libu-libong raliyista. Mahigit 90 ang agad na napatay at daan-daan ang nasugatan.

Nagsimula ang mga protesta sa loob ng mga unibersidad laban sa sistemang kota sa pagbibigay ng mga trabaho sa burukrasyang sibil. Mabilis na lumaganap ang paglaban matapos paulit-ulit na salakayin ng mga pwwersa ni Hasina ang mga demonstrasyon. Nagpatupad si Hasina ng karpyu, pinutol ang internet, ipinasara ang mga unibersidad at ang midya. Sa tindi ng brutalidad ng mga pulis, nanawagan ang mga nagpoprotestang mamamayan para sa pagbaba ni Hasina. Sa kabuuan, mahigit 300 na napatay sa mga protesta mula nang unang sumiklab ang mga ito noong Hunyo.

Nasa sentro ng mga protesta ng mga estudyante at mamamayan ng Bangladesh ang matinding krisis sa ekonomya, at ang kawalan ng trabaho at mga oportunidad sa bansa. Ang tanging matinong trabaho sa bansa, laluna sa mga nakapagtapos sa kolehiyo, ay mga pwesto sa gubyerno. Dahil sa sistemang kota, naging limitado ang mga pusisyong ito. Binago na ng Korte Suprema ang sistemang ito noong ikalawang linggo ng Hulyo.

Si Hasina ay presidente ng naghaharing partido, ang Awami League. Labinglimang taon na siyang nasa pwesto bilang prime minister.

AB: Pasistang lider ng Bangladesh, napatalsik ng mga protesta