Petisyon laban sa Smartmatic, inihapag sa Comelec

Naghapag ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) ang dating komisyuner na si Augusto Lagmay at ang grupong TNTrio para pagbawalan ang Smartmatic Philippines Inc na sumali sa public bidding para sa sistemang gagamitin sa eleksyong 2025. Ayon sa mga nagpetisyon, kailangang i-disqualify ang kumpanya dahil sa “malala at materyal na mga iregularidad” sa transmisyon at pagtanggap ng mga resulta sa eleksyon noong nakaraang taon.

Ang Smartmatic Philippines ang kumpanyang naging katuwang ng Comelec sa pagdaraos ng automated elections mula pa 2010. Nakatakda namang idaos ang lokal na eleksyong pambarangay at sangguniang kabataan sa Oktubre 2025.

“Batay sa impormasyon at datos na mula sa komisyon mismo, natuklasan ng mga petisyuner ang mga seryosong iregularidad sa automated election system…kaugnay sa mga discrepancy sa pagitan ng transmission log at reception log ng mga election return mula sa antas ng presinto hanggang sa transparency server ng komisyon,” saad ng petisyong inihapag. Ang mga discrepancy o hindi nagtutugmang mga datos na ito ay hindi pa naipapaliwanag hanggang sa ngayon.

Sa partikular, kinwestyon ng mga petisyuner ang bilang mga boto na natanggap ng Transparency Server ng Comelec sa unang mga oras matapos magsara ang botohan noong Mayo 9. 2022. Anila, hindi nagtutugma ang naitala sa transmission log sa bilang na nasa reception log. Ayon sa naisapubliko nang datos, lumilitaw na mas mabilis ang pasok ng mga boto sa transparency server kumpara sa aktwal na pagpapadala ng resulta mula sa mga vote counting machine (VCM). May mga boto na naitalang natanggap na sa Transparency Server na hindi tugma (mas maaga nang ilang oras) sa nakatala sa pinanggalingang election return nito.

Dagdag na patunay ng iregularidad

Noong Marso 23, in-upload ng mga kawani ng Comelec ang ilang impormasyon (raw file) kaugnay sa nagdaang eleksyon kung saan makikita na ang mga boto ay nagmumula sa loob ng ahensya at hindi sa mga VCM mula sa mga presinto. Ayon sa grupong TNTrio, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit napakabilis ng pagtala ng komisyon, kahit hindi pa pumapasok ang mga boto mula sa mga presinto. Dagdag na patunay ito na tampered o rigged (dinaya) ang buong sistema ng eleksyon na nagpanalo kay Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa grupong TNTrio na nagsuri sa datos, makikita na nagmumula sa isang IP address ang ilang election returns na nagmumula sa iba-ibang presinto. Dagdag pa, ang mga IP address na ito ay nagsisimula sa 10.x.x.x at 192.168.x.x o mga “pribadong IP address” at hindi dumaan sa internet. Ang IP address ay serye ng numero na ibinibigay sa lahat ng kompyuter o gadget na nakakabit sa internet.

“Ang mga IP address na ito ay hindi maaaring gamitin ng mga VCM, dahil lahat ng mga VCM ay direktang nakaugnay sa Transparency Server sa pamamagitan ng internet,” ayon kay Elisio Rio, isa sa tatlong bumubuo ng TNTrio. Ibig sabihin, nagmula sa mga computer sa loob ng ahensya ang binilang na mga boto at hindi sa VCM.

Dagdag dito, may ilan pang iregularidad na natuklasan ang TNTrio. Kabilang dito ang hindi pagtutugma na datos ng Transparency Server sa pagitan ng alas-7 ng gabi ng Mayo 9 hanggang Mayo 13 sa datos na inilabas nito noong Marso 23.

Gayundin, may 113 presinto na lahat may botanteng 1,000 na may 100% voter turn-out (o lahat bumoto), habang mayroong namang 359 presinto sa ibayong dagat na may rehistradong 1,000 botante na may zero voter turn-out (walang bumoto ni isa.) May mga presinto rin na mas marami ang bumoto kumpara sa bilang ng mga rehistradong botante.

Ang mga ito ay ilan lamang sa iregularidad na natukoy ng TNTrio sa limitadong mga logs o rekord na isinapubliko ng Comelec. Giit ng grupo, dapat isapubliko rin ng mga kumpanya sa telekomunisyon ang transmission log ng mga VCM para maikumpara ito sa transmission at reception log sa Comelec.

AB: Petisyon laban sa Smartmatic, inihapag sa Comelec