60 pambobomba at panganganyon sa ilalim ng rehimeng US-Marcos Plano ng AFP na bumili ₱400 bilyon eroplano at bomba pangkontra-insurhensya, ibinunyag
Sa gitna ng malawakang gutom at kahirapan, inianunsyo kahapon ni Gilbert Teodoro, kalihim ng Department of Defense, ang plano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumili ng mga misayl at 40 eroplanong pandigma sa halagang ₱300-₱400 bilyon. Sinabi ito ni Teodoro matapos ang pagdinig sa Kongreso kaugnay sa badyet para sa 2025. Bibilhin ang mga eroplanong ito mula sa mga Amerikanong kumpanya sa armas at kanilang mga subsidyaryo sa ibang bansa tulad ng South Korea.
Aniya, para ito sa mga “depensang panteritoryo.” Gayunpaman, ang mga eroplano at helikopter pang-atake ng AFP ay ginagamit pangunahin sa kampanyang kontra-insurhensya laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayang lumalaban sa kanayunan, at hindi sa West Philippine Sea. Tiyak na ang mga bagong eroplanong bibilhin ay para rin sa gamit na ito.
Sa kasalukuyan, sinasabing may 224 sasakyang himpapawid ang AFP. Ang 12 nito ay mga FA-50, na binili noong panahon ng rehimeng US-Aquino. Anim dito ay mga fighter jet na Super Tucano, na binili naman sa panahon ng rehimeng US-Duterte. Ang iba pa ay mga eroplanong pang-transportasyon (16 na yunit), helikopter na pang-transportasyon at pang-atake (78), eroplanong pangsanay (25), eroplanong pangsarbeylans (2), pampatrulya ng karagatan (1), at unmanned aerial vehicle o drone (22).
Sa ilalim lamang ng rehimeng Marcos, hindi bababa sa 60 ang naitalang kaso ng pambobomba, panganganyon at istraping mula Hulyo 2022 hanggang Hunyo 2024, kabilang ang 32 insidente ng aerial bombing o paghuhulog ng bomba. Madalas ang paggamit ng mga FA-50 at Super Tucano, gayundin ng mga helikopter na Agusta Westland AW109 at T129 ATAK. Pinakamarami ang naitalang pambobomba at pang-iistraping sa Bukidnon, kasunod sa Northern Samar, Abra, Kalinga, Cagayan at Aurora. Nagkaroon din ng mga pambobomba sa Oriental Mindoro, Western Samar, Misamis Oriental, Apayao, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Iloilo, Negros Occidental, Quezon at Camarines Sur, Nueva Vizcaya, Agusan del Sur, Zamboanga del Norte, Negros Oriental, Masbate at Samar.
Sa lahat ng pagkakataon, kasabay ang mga pang-aatakeng ito mula sa ere ang masasaklaw at matatagal na operasyong kombat ng Philippine Army. Madalas rin itong may kasamang panganganyon. Kakambal ng mga operasyong ito ang malawakang paglabag sa karapatan ng mga sibilyan tulad ng pagsosona, pagblokeyo sa ekonomya at pagkain, pagmamanman ng kilos, sarbeylans, panggigipit at pananakot, pang-aaresto at detensyon, hanggang sa pagpatay.
Sa pagdinig ng Kongreso, humihingi ang DND ng ₱419.3 bilyon para sa 2025, 51% na mas mataas kumpara sa badyet nito ngayong taon. Sa loob nito, itinaas ng kagawaran ang pondo para sa Revised AFP Modernization Program (RAFPMP), na nakatakdang makatanggap ng 25% dagdag-badyet, mula ₱40 bilyon tungong ₱50 bilyon. Sa inisyal na plano nito, bibili ang AFP ng mga FA-50PH light jet fighter mula sa South Korea gamit ang pondo.
Prubinsya | Pambobomba |
---|---|
Bukidnon | 6 |
Northern Samar | 4 |
Abra | 4 |
Kalinga | 3 |
Cagayan | 2 |
Aurora | 2 |
Other provinces | tig-1 |