Planong deportasyon ng US sa imigranteng Pilipino, napigilan
Matagumpay na napigilan ng komunidad ng mga Pilipino sa US, sa pangunguna ng Tanggol Migrante Movement (TMM), ang planong deportasyon kay “Tita Rebecca,” isang Pilipinang imigrante, ng Immigration and Customs Enforcement (ICE) noong Enero 2.
Sa pamamagitan ng koordinadong pagtatawag at pagpapadala ng email at testimonya hinggil sa kalusugan ni Tita Rebecca sa United Airlines, napilitan ang kumpanya na ikansela ang kanyang byahe mula sa Chicago O’Hare International Airport. Hiningi ng kumpanya na dapat muna siya isailalim sa medikal na pagusuri bago pahintulutan na magbyahe.
Si Tita Rebecca, 71 anyos, ay apat na dekada nang naninirahan sa US. Idinetine siya ng ICE matapos niyang mag “check-in” sa Department of Homeland Security noong Marso. Habang nakakulong sa pasilidad ng ICE sa Clay County, Indiana, ilang buwan siyang nakaranas ng hindi makataong kundisyon sa pasilidad. Walang pakialam at pinapabayaan ng pasilidad ang kanyang medikal na pangangailangan. Tatlong buwan siyang hindi nakakatanggap ng kanyang maintenance para sa kanyang atay at blood pressure. Pinagbawalan din siya na lumabas mula sa kanyang selda at maarawan.
“Isang malaking pinag-aalala namin ay hindi makontrol ang kanyang blood pressure. Mataas ang risgo ni Tita Rebecca para sa venous thromboembolism (pamumuo ng dugo) habang nasa mahabang byahe siya at matagal na hindi nakakikilos. Maari itong magdulot ng pagkasira ng kanyang baga at kahit biglaang pagkamatay. Mayroon din siyang Stage 4 na sakit sa atay,” paliwanag ni Dr. Dominic Robolino, myembro ng TMM.
Noong Disyembre 30, naglunsad ng ‘National Unity Call’ ang TMM upang ipanawagan ang pagtigil sa planong deportasyon, tamang medikal na pagsusuri at pagpapagamot kay Tita Rebecca. Mahigit 300 ang lumahok sa online na aktibidad mula sa iba’t ibang bahagi ng US. Lumahok dito ang mga myembro ng unyon na nagtataguyod ng karapatan ng mga migrante, manggagawang pangkalusugan at myembro ng komunidad ng mga Pilipino.
Ilang beses nang naglunsad ng pagkilos, pagtatawag at pagpapadala ng email ang TMM sa konsulado ng Pilipinas sa Chicago upang ipanawagan na gawin nito ang tungkulin na protektahan at bigyan ng medikal na atensyon si Tita Rebecca. Ngunit tulad ng naranasan ng ibang Pilipinong biktima ng detensyon, nanatili silang bingi at walang pakialam sa kanyang kalagayan at karaingan.
Ayon sa TMM ang pagpapaliban sa pagbyahe ni Tita Rebecca ay isang patunay ng lakas ng kilusang masa. Patuloy na nanawagan ang grupo para sa kanyang komprehensibong medikal na pagsusuri, matiyak na nakukuha niya ang tamang gamot at pagpapalaya mula sa detensyon.