Balita

Pribatisasyon ng Caliraya-Botocan-Kalayaan hydroelectric power plant, tinututulan ng Bayan Muna

,

Mariing binatikos ni Atty. Carlos Zarate, dating kinatawan ng Bayan Muna, ang plano ng rehimeng Marcos Jr na isapribado ng Caliraya-Botocan-Kalayaan (CBK) hydroelectric power plant complex sa Laguna. Aniya, magdudulot lamang ito ng lalong pagmahal ng singil sa kuryente na dagdag pasanin ng mga nakaasa sa serbisyo.

Ang 796.64 megawatt (MW) CBK plant complex ay nag-opereyt sa ilalim ng 25 taong buil-rehabilitate-operate-transfer at power purchase agreement sa pagitan ng CBK Company Limited at ng National Power Corporation. Ito na lamangang natatanging operational pumped-storage hydroelectric facility na pagmamay-ari ng Pilipinas. Magtatapos ang kontrata nila sa Pebrero 2026.

Ayon sa Finance Department, umaasa ang gubyerno na kumita ng P50 bilyon hanggang P100 bilyon mula sa pagsasapribado ng pasilidad.

“Ang desisyong ito ay hindi para sa kapakinabangan ng mamamayan. Ang privatization ay hindi sagot sa problema ng mataas na singil sa kuryente. Sa halip, dapat tayong magtayo ng mas maraming power stations na pagmamay-ari ng gubyerno upang makontrol ang presyo ng kuryente,” saad ni Zarate.

Ayon kay Zarate, ang pribatisasyon ng mga pampublikong mga yulitidad tulad ng planta ng kuryente ay makikita sa kasaysayan na nagreresulta lamang ng mas mataas na singil sa kuryente, pagbawas ng kontrol ng gubyerno sa mga esensyal na serbisyo at lumiliit na pananagutan.

Noong nakaraang taon binenta ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) ang 165 MW Casecnn hydroelectric powerplant sa Nueva Ecija sa Fresh River Lakes Corp. subsidyaryo na kumpanya ng Lopez Group’s First Gen Corp., sa halagang $526 million.

“Halos naubos na ng privatization ang government power assets sa ilalim ng EPIRA simula noong 2001, pero as of April 30, 2024, may utang pa rin ang National Power Corporation (Napocor) na halos P292.5 billion. Dahil dito, kailangang i-extend ang buhay ng PSALM ng isa pang sampung taon hanggang 2036. Malinaw na isang malaking kabiguan ang privatization”.

“Ang gobyerno ay lubog pa rin sa utang, pero pinagkakitaan na nang husto ng mga power oligarchs ang mga na-privatize na power assets. Ngayon, sa CBK privatization, sinong power oligarch o crony ni [President] Marcos Jr. na naman ang makikinabang dito—lahat sa kapinsalaan ng taumbayan?” dagdag ni Zarate.

Aniya ni Zarate, ang CBK, sa ilalim ng isang mahusay na pamamahala ng gobyerno, ay maaaring maging pangunahing sandata laban sa kasakiman ng mga oligarko sa kuryente na walang ibang iniisip kundi tubo.

“Ang gubyerno dapat ang may kontrol sa mga pangunahing serbisyo tulad ng kuryente. Sa halip na ibenta ang CBK, dapat itong gawing modelo ng renewable energy na magpapababa ng singil sa kuryente para sa lahat,” dagdag ni Zarate.

Nanawagan si Zarate sa publiko na tutulan ang pribatisasyon ng CBK at parehong mga pagmamay ari ng gubyerno, na ang ganitong polisiya ay mag papalala lamang sa krisis sa kuryente at ekonomiya ng bansa. Nanawagan rin sya sa kongreso na imbestigahan ang epekto ng mga nakaraang pagsisikap sa pribatisasyon sa presyon ng kuryente at maghain ng alternatibong solusyon na magsusulong ng interes ng bansa.

“Ang laban para sa abot-kayang kuryente ay laban ng bawat Pilipino. Dapat natin ipaglaban ang pambansang interes laban sa ganitong klaseng pagsasamantala.” pagtatapos ni Zarate.

AB: Pribatisasyon ng Caliraya-Botocan-Kalayaan hydroelectric power plant, tinututulan ng Bayan Muna