Produksyon ng asin sa bansa, bubuhayin?

,

“Bilang isang kapuluan na may mahahabang baybayin, kakatwa na tayo ay importer ng asin, kung saan 90% ng kinokonsumong asin ay imported mula sa Australia, China, New Zealand, at Thailand.” Ganito inilarawan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa kalagayan ng produksyon ng asin sa bansa, sa harap ng mga panukalang muli itong buhayin.

Noong Lunes, pinagtibay sa House of Representatives ang panukalang Salt Industry Development Act, na nagtutulak na magkaroon ng plano para buhayin ang industriya ng asin sa bansa matapos ang ilang dekadang pagkalumpo nito bunga ng pabigat na mga patakarang neoliberal.

Ayon sa panukala, layunin nitong muling pasiglahin ang produksyon ng asis. Itataguyod diumano sa panukala ang artisanal salt farming at iba pang hindi tradisyunal na alternatibong mga pamamaraan at teknik. Wala pang deliberasyon sa Senado.

Ginagamit ang asin sa pagluluto at sa pagpreserba ng maraming pagkain. Ginagamit din ito sa pagmamanupaktura ng pagkain at gamot, paggawa ng asero, tela, papel at kahit ng bala, at bilang pagkain ng hayop at pataba.

Anang grupo, kung “maisasabatas at maipatutupad nang mahusay, makatutulong ito sa pagligtas sa naghihingalong lokal na industriya ng asin, at makapagbibigay ng trabaho sa mamamayan sa kanayunan, laluna sa mga mangingisda.” Iginiit rin ng KMP na dapat paunlarin ang marami pang industriya sa kanayunan tulad ng kopra, asukal, pagproseso ng karne at iba pa.

Pagpatay sa produksyon ng asin

Ang lokal na pamilihan sa asin sa Pipinas noo’y sinusuplayan ng lokal na mga mag-aasin. Dekada 1940 nang unang nailatag ang komersyal na mga asinan, pangunahin sa mga baybay ng Bulacan, kung saan nagmumula noon ang 45% ng lokal na pangangailangan. Ang iba pang malalaking asinan ay nasa Pangasinan, Mindoro, Las Piñas at Cavite. May espesyal naman na mga pagawaan ng asin sa Zamboanga, Bohol at Negros.

Nabaligtad ito noong dekada 1990 nang ipinagbawal ng noo’y rehimeng Ramos ang pagbebenta ng asin na hindi “iodized” sa ngalan ng pag-apula sa kunwa’y malawakang kakulangan ng iodine sa dyeta ng mga Pilipino. Isinisi ng estado ang pagbagsak ng industriya sa pagiging atrasado ng produksyon ng mga asinan. Pero ang totoo, nalunod ang mga mag-aasin sa pagbaha ng murang asin mula sa ibang bansa nang pumasok ang Pilipinas sa General Agreement on Tariffs and Trade.

Bumagsak ang kita ng mag-aasin nang bumaling ang mga komersyante sa murang inangkat na asin. Mula sa ₱100 kada kaban noong dekada 1990, binibili na lamang ng mga komersyante ang lokal na asin sa halagang ₱35 kada kaban noong 2003. Nagresulta ito sa pagkalugi ng mga lokal na gumagawa ng asin.

Sa Bulacan, napilitang magsara ang 32 sa 52 mga asinan mula dekada 1990 hanggang maagang bahagi ng 2000. Lalo pang lumiit ang saklaw nang mga asinan nang umarangkada ang reklamasyon sa Manila Bay. Kasabay ng mga pagsasara ang pagkawala ng trabaho ng daan-daang mga manggagawa sa mga asinan.

Pagsapit ng 2010, nasa 150,000 metriko tonelada o 28% na lamang ng pangangailangan ng bansa ang pinoprodyus ng mga asinan. Noong 2022, 7% na lamang ng suplay ng asin ang lokal.

AB: Produksyon ng asin sa bansa, bubuhayin?