Programa sa ekonomya ni Marcos, di sagot sa krisis

,

Hindi mareresolba ang pangmatagalang krisis sa ekonomya ng Pilipinas sa pamamagitan ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, ang pinakahuling programa sa ekonomya ng estado sa pamumuno ni Ferdinand Marcos Jr. Sa isang porum ng Ibon Foundation noong Enero 30, tinawag nito ang plano na “luma na” at kailangang “baligtarin” para magkaroon ng ekonomyang mapakikinabangan ng mas marami.

Ang PDP na ito, ayon sa instituyon, ay pang-siyam na sa mga “programang pangkaunlaran” mula sa panahon ng diktadurang Marcos. Mula noon hanggang sa kasalukuyan, nakatuon ito sa pagpapatupad ng mga reporma para sa “malayang kalakalan.” Ang ibig lamang sabihin nito ay ang pagpapatuloy ng nakatuon-sa-eksport na produksyon habang nagkukumahog na makaakit ng dayuhang pamumuhunan.

Inilahad ng Ibon ang datos ng estado na nagsasabing lumaki ang bahagi ng produksyong pang-eksport mula 16% ng GDP noong dekada 1980 tungong 40% noong dekada 2000. Anim na beses namang lumaki ang dayuhang pamumuhunan mula dekada 1980 (5% ng GDP) tungong 29% sa kasalukuyan.

Sa harap nito, pabagsak ang padron ng pagmamanupaktura at agrikultura mula pa dekada 1950. Gayundin, papaliit ang bilang ng iniempleyo nitong mga manggagawa.

Ayon sa Ibon, mabibigo ng PDP na iahon sa krisis ang ekonomya sa sumusunod na dahilan:

Una, nakabalangkas ito sa patakarang globalisasyon na sanhi na ng malawakang kawalan ng trabaho, kahiraan at kawalan ng pag-unlad sa nakaraang apat na dekada.

Pangalawa, walang intensyon ang PDP na paunlarin ang produktibong sektor ng ekonomya, partikular ang agrikultura. Wala rin itong mga hakbang para tiyaking sustenable ang produksyon.

Pangatlo, wala itong itinakdang hakbang para iahon sa kahirapan ang nakararami (equity at inclusion). Walang itong binabanggit tungkol sa nakabubuhay na sahod, pagtaas ng presyo sa pagbili ng mga produktong pang-agrikultura ng mga magsasaka, at pagtanggal ng pasaning buwis ng mas nakararami. Wala ring pagpapalawak sa mga proteksyong panlipunan.

Binweltahan ng Ibon ang pagmamatigas ng estado sa liberalisasyon sa kalakalan at pamumuhunan na anito’y likas na “exclusionary” o nagbebenepisyo lamang sa iilan.

Hindi garantiya ang dayuhang pamumuhunan sa pag-unlad ng bansa, ayon sa institusyon. Mas malaki ang pumapasok na dayuhang pamumuhunan na pumapasok ngayon sa Pilipinas kumpara sa pumasok sa South Korea, China at Taiwan noong bumebwelo pa lamang ang paglago ng kani-kanilang mga ekonomya. Sa harap nito, nananatiling maliit ang sektor ng pagmamanupaktura ng bansa, at atrasado ang agrikultura.

AB: Programa sa ekonomya ni Marcos, di sagot sa krisis