Balita

Rehimeng Marcos, nagbubulag-bulagan sa tunay na kalagayan ng mamamayan

,

May seryosong “disconnect” o di pagkakatugma ang ipinagmamayabang ng rehimeng Marcos na pag-unlad sa ekonomya at malusog na sektor sa paggawa sa tunay na kalagayan ng mamamayan. Ito ang ibinahaging pananaw ng Ibon Foundation sa porum nito noong Enero 23 kaugnay sa kalagayan ng lokal na ekonomya.

“Kung tunay na tuluy-tuloy ang paglago ng ekonomya at malusog ang sektor ng paggawa, bakit napakaraming Pilipino ang hindi nakabibili ng kanilang mga pangangailangan at dumadausdos sa kahirapan,” tanong ni Sonny Africa, executive director ng Ibon.

Isinagawa ang porum isang araw bago ipinagmayabang ni Ferdinand Marcos Jr ang kunwa’y mga “naabot” niya at kanyang mga upisyal sa ekonomya. Anila, nasa “good shape” o “maayos na kalagayan” ang ekonomya kahit tiyak na hindi nito naabot ang mga target na pag-unlad para sa 2024. Isinisisi nila sa mga bagyong humambalos sa bansa ang kabiguan nilang abutin ang 6% na paglago sa gross domestic product ngayong taon.

Ang totoo, sadyang mabagal ang paglago ng GDP sa simula pa lamang ng 2024, bago ang sunud-sunod na bagyo na kalakhan ay humambalos sa ikalawang hati ng taon. Hindi kumpleto, kundiman tahasang panlilinlang ang inilalabas na mga estadistika sa empleyo at implasyon. Gumagamit ang estado ng lubhang pinababa at hindi reyalistikong pamantayan ng kahiparan.

Sinasabi ng rehimen na bumaba ang bilang ng mga walang trabaho, pero mas maraming Pilipino ang dumanas ng gutom, ayon sa isinagawang mga sarbey sa parehong panahon. Ang totoo, tumataas ang bilang ng mga naghihirap dahil walang kakayahan na lumikha ng dekalidad, pormal at disenteng nagpapasahod na trabaho ang impormal at nakatuon sa serbisyo na ekonomya.

Samantala, may katulad na hindi pagkakatugma ang sinasabi ni Marcos na pag-unlad mula sa mga dayuhan at lokal na pamumuhunan. Habang lumalaki ang kita ng lokal at dayuhang mga kumpanya sa kanilang mga negosyo sa bansa, hindi ramdam ng mga Pilipino ang pag-unlad na ipinangako ng gubyerno, ayon kay Africa.

Lumaki nang 25% ang kita ng tatlong pinakamayaman sa bansa na sina Enrique Razon, Ramon Ang at Manuel Villar, mula ₱294 bilyon tungong ₱1.5 trilyon. Pagmamay-ari nina Razon at Ang ang malalaking yutilidad sa tubig at enerhiya, na nagtaas ng kani-kanilang mga singil noong 2024.

“Bagsak ang produktibong mga sektor na susi sa pag-unlad ng ekonomya,” dagdag ni Africa. Bumagsak ang bahagi ng agrikultura sa GDP tungong 7.8% sa unang siyam na buwan ng 2024, pinakamaliit sa kasaysayan nito. Bagsak din ang pagmamanupaktura tungong 17.3% na pinakamaliit naman sa nakaraang 75 taon.

Ayon sa Ibon, kagyat na resulta ito ng halos limang taon nang istagnasyon ng ekonomya.

AB: Rehimeng Marcos, nagbubulag-bulagan sa tunay na kalagayan ng mamamayan