Reklamo laban sa kumpanyang Korean sa konstruksyon ng Jalaur River Dam, sisimulang dinggin sa South Korea
Inianunsyo ng Ministry of Trade, Industry and Energy ng South Korea noong Enero 30 na sisiumulan na ang proseso ng pamamagitan upang maresolba ang hidwaan sa pagitan ng isang kumpanyang Korean at katutubong Tumandok at kanilang mga tagasuporta. Nasa gitna ng sigalot ang konstruksyon ng Daewoo Engineering and Construction sa proyektong Jalaur River Dam and Irrigation.
Nagdesisyon na simulan nang proseso matapos suriin ang reklamong isinampa laban sa kumpanya sa pulong ng National Contact Point (NCP) for Responsible Business Conduct para sa taong 2026.
Noong Setyembre 2025, nagsampa ng reklamo sa NCP ang Jalaur River for the People’s Movement (JRPM) katuwang ang People’s Solidarity for Participatory Democracy (PSPD) at Business and Human Rights Network laban sa kumpanya. Ayon sa reklamo, nilabag ng militar at mga pulis ang karapatan ng mga Tumandok na naninirahan sa lugar na sinaklaw ng proyekto. Dagdag ng grupo, walang pagsisikap ang Daewoo na pigilan ang paglabag sa karapatang-tao, o pagsisikap na ayusin ang sitwasyon.
Palalayasin ng proyekto ang nasa 17,000 indibidwal, wawasakin ang kanilang kabuhayan at buburahin ang pamanang kultura ng mga Tumandok. Kasabwat ang mga pinansyer ng proyekto, minasaker ang siyam na Tumandok noong 2020, kasabay ng pag-aresto sa 16 na katutubo dahil sa kanilang paglaban sa proyektong dam.
Nakuha ng Daewoo ang proyekto na kinomisyon ng National Irrigation Administration ng Pilipinas, noong Setyembre 2018. Ipinatupad ang proyekto na may pinansyal na suporta mula sa gubyerno ng South Korea sa pamamagitan ng Economic Development Cooperation Fund na ibinigay sa gubyerno ng Pilipinas.