Samahan ng mga traydor na "dating rebelde," isinuka ng mga rebolusyonaryo
Kinundena at isinuka ng mga rebolusyonaryong organisasyon ang bagong tatag na pambansang pederasyon ng mga “dating rebelde,” sa suporta at sulsol ng mga amo nito sa National Task Force (NTF)-Elcac at Armed Forces of the Philippines (AFP).
“Katawa-tawa na isa sa mga ipinagmamalaki ng NTF-Elcac na ‘armas’ para sa hinahabing ilusyon ng ‘kapayapaan’ ay ang mga ‘dating rebelde’ na nagtraydor sa masa at nagkanulo ng hangarin ng bayan para sa pambansang kalayaan at demokrasya, at ngayon ay mga bayarang instrumento ng papet na gubyerno ni Marcos at ng mga pasistang galamay nito,” pahayag ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido ng Komunista ng Pilipinas.
Ang grupo, na tinawag nitong Buklod Kapayapaan, ay upisyal na nabuo noong huling linggo ng Abril sa inilunsad na 2nd National Peace Advocates Summit at pambansang kongreso nito sa Quezon City. Inipon dito ang 47 na lider ng 17 na panrehiyong pederasyon. Binuo ang grupo sa balangkas ng First National Peace Advocates Summit ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU).
Sinasabi ng Buklod Kapayapaan na layunin ng kanilang grupo na “magsilbing kolektibong pambansang tinig ng mga dating rebelde” at makibahagi sa pagpapaunlad ng gubyerno at aktibong makilahok sa mga adhikaing pangkapayapaan.
“Kalunos-lunos na pinulot ng NTF-Elcac itong mga natapong basura ng rebolusyonaryong kilusan,” ayon kay Valbuena. Walang kahit anong kredibilidad ang mga traydor na ito sa mata ng masa at itinuturing silang mga nagtaksil sa adhikain ng mamamayan, aniya.
“Hindi pinagtitiwalaan ng bayan ang mga traydor,” wika ni Valbuena.
Inihalal bilang pambansang presidente ng Buklod Kapayapaan ang taksil na si Noel Legaspi. Si Legaspi ay dating nagsilbing tagapagsalita ng National Democratic Front-Far South Mindanao na nagpasyang magpahinga dahil hindi na niya kayang balikatin ang mabigat na tungkulin ng pagrerebolusyon.
Kalaunan, nagpasya siyang pumanig sa reaksyunaryong gubyerno at aktibong magpagamit bilang bayarang ahente sa kapinsalaan ng mga dati niyang kasama at masang kumupkop sa kanya. Ayon sa mga ulat, hindi iilan ang mga kaso ng tahasang pagpapahamak niya sa mga kasama at masa, na humantong sa kanilang kamatayan.
Liban sa kanya, hinirang ng grupo bilang pinuno ng usaping ligal si Arian Jane Ramos. Nagsisilbi rin si Ramos bilang pangulo at pangunahing tagapagsalita ng grupong Kalinaw Southeastern Mindanao. Isa si Ramos sa pinakamasusugid na tagakahol ng NTF-Elcac at kasabwat ni Bato de la Rosa sa pagtarget sa kabataan at kanilang mga organisasyon at pakikibaka. Nahalal naman bilang bise presidente para sa Luzon ang isang nagngangalang Danmer de Guzman, bise presidente para sa Visayas si Noel Alerta at bise presidente para sa Mindanao si Aljun Intano.
Ayon kay Valbuena, “nagpapagamit ang mga traydor na ito sa pasistang rehimeng Marcos kapalit ang komportableng pamumuhay na malayo na sa katayuan ng masang dating kumupkop sa kanila.” Dagdag pa niya, nakaupo ngayon ang mga traydor bilang liderato ng Buklod Kapayapaan, na inilalako ang mga sarili bilang “eksperto sa rebolusyonaryong kilusan” na “nakaasa sa ibinibigay na limos at mga pabor ng militar.”
Kinutya ni Valbuena ang mga indibidwal na ito at sinabing “pinagaganda pa ng mga ito ang tawag sa kanilang sarili bilang mga “dating rebelde” gayong sa totoo sila ay simpleng mga traydor sa masang anakpawis.
“Ang totoo, ganap nang utak-pasista at utak-militar ang mga traydor na ito. Bukambibig nila lahat ng basurang satsat ng pasistang rehimeng Marcos. Mga buntot sila ng mga malalaking komprador at dayuhang kumpanyang kumakamkam ng lupa ng mga magsasaka at minoryang mamamayan,” dagdag pa ni Valbuena.
“May ilang lider ng mga traydor na ito ang pinapaburan at ginagawang showcase ng NTF-Elcac, habang marami sa mga magsasakang pinaradang mga ‘surenderi’ sa pinangakuan ng maalwang buhay ay nakakulong ngayon sa mga kampong militar at ginagawang alipin ng mga sundalo,” dagdag ng upisyal ng Partido. Aniya, “ilan sa kanila ang paulit-ulit na pinasurender para makakubra ang mga kumander ng batalyon at dibisyon. Ilan ang tuluyang ikinulong o pinatay matapos mawalan ng pakinabang sa militar.”
Ikinumpara ni Valbuena ang mga traydor sa mga ‘makapili’ na nakipagkutsaba sa mga sundalong Hapon para ituro ang mga rebolusyonaryo. Gayunman mayroon umanong matingkad na pagkakaiba. “Hindi tulad ng mga ‘makapili’ na nagsuot ng bayong sa ulo upang itago ang kanilang pagkakakilanlan, ang mga bagong traydor na ito ay garapalang nagpapagamit sa papet at pasistang rehimeng Marcos sa pang-aapi at pagpapahirap sa taumbayan.”
Nagpahayag rin ng pagkundena sa pederasyon ang Kabataang Makabayan, Pambansang Katipunan ng Mabubukid at ang pangkalahatang kalihim ng National Democratic Front na si Elias Dipasupil.
Ayon sa KM, malinaw na gagamitin ang naturang grupo para atakehin ang makatarungang pakikibaka ng mga demokratikong sektor sa kalunsuran at kanayunan. “Ang pagtatangkang ito para gamitin ang mga ‘dating rebelde’ sa gera sa impormasyon ay isang desperadong hakbang sa harap ng lumalagong pagkakalantad at pagkundena sa internasyunal na antas ng mga paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng mga programang kontra-insurhensya gayundin ang umiigting na panawagang buwagin ang NTF-Elcac,” ayon pa sa rebolusyonaryong grupo ng mga kabataan.