Sangay ng Partido sa Rizal, naglunsad ng pag-aaral, parangal kay Ka Joma
Nagtipon ang mga kasapi ng isang sangay ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa isang lihim na lokasyon sa sentrong lunsod sa Rizal noong Disyembre 16 para sa pag-aaral ng Batayang Kurso ng Partido. Mahusay na pinaghandaan ng sangay ang pag-aaral at nang may pagbibigay diin sa seguridad.
Sinimulan ng sangay ng pag-aaral sa paggunita at pagpaparangal sa ikatlong taong anibersaryo ng pagkamartir ni Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulong tagapagtatag ng Komite Sentral ng Partido. Namatay si Ka Joma noong Disyembre 16, 2022.
Nanood ang mga estudyante, instruktor at taguyod ng pag-aaral ng mga bidyo kabilang ang bidyo tungkol sa Kabataang Makabayan at panayam kay Ka Joma. Sinundan ito ng pagbabahagi ng mga estudyante sa kung ano ang pinakatumatak sa kanila na sulatin ni Ka Joma o naging impluwensya niya sa kanila bilang Partidista.
Ayon sa isa sa mga instruktor, maganda ang naging pagbabahagi dahil naging pagkakataon iyon para makapagpalitan ng pananaw ang mga nakababatang aktibista na hindi na naabutan si Ka Joma at mga nakatatanda na nakilala pa siya.
Sa pagtatapos ng pambungad na aktibidad ng pag-aaral, kumanta sila ng dalawang awit. Nakapagsulat rin ng tula ang isa sa mga estudyante ng BKP.
Ang BKP ay ang unang kurso sa 3-antas na pag-aaral ng Partido. Layunin ng BKP ang pag-unawa sa mga saligang dokumento at prinsipyo ng Marxismo-Leninism-Maoismo sa simple at magaan na paraan. Magbibigay daan din ito para magsanay ng bagong mga instruktor para sa susunod na serye pa ng mga pag-aaral.