Simbahan, dismayado sa pagbabasura ng Sandiganbayan sa kaso ng mga Marcos

,

Tinawag ni Bishop Jose Colin Bagaforo, pinuno ng Caritas Philippines, ang desisyon kamakailan ng Sandiganbayan bilang “nakapanlulumo at nakadidismaya” matapos nitong ibasura ang isang kaso kaugnay sa nakaw na yaman ng dating diktador na si Ferdinand Marcos Sr.

“Mayor na pagkatalo ito para sa mamamayang Pilipino na ninakawan na ng mas maaliwalas ng kinabukasan at kasalukuyang dumaranas ng matinding kahirapan,” aniya.

Ang naturang desisyon na may petsang Pebrero 21 ay inilabas ng Ikalimang Dibisyon Sandigabayan. Kaugnay ito sa prenteng korporasyong Philippine Integrated Meat Corp. (Pimeco) at kaakibat nitong mga negosyo. Liban kay Marcos Sr at asawa niyang si Imelda, ang mga kinasuhan ay ang mga kroni at tau-tauhan nilang sina Luis Yulo, Roberto Benedicto, Nicolas Dehesa, Jose Tengco Jr., Rafael Sison, Peter Sabido, Cesar Zalamea, at Don Ferry.

Kasabay ng pagbabasura sa kaso ay ang pagtanggal sa sekwestrasyon at gayon ay pagbabalik sa mga Marcos sa 40,000-ektaryang Yulo King Ranch sa Palawan at Lianga Bay Logging Company sa Surigao del Sur. Ayon sa Sandiganbayan, “hindi napatunayan” na mga prenteng korporasyon ng mga Marcos ang nabanggit na mga kumpanya.

Kinundena rin ng CARRMA ang pagbasura ng isa na namang kaso laban kay Marcos Sr at kanyang mga kroni. “Muli na namang ninakawan ang mamamayan sa pakikibaka para papanagutin ang mga Marcos at kanilang mga kroni sa kanilang korapsyon at pandarambong,” ayon sa grupo.

Sa huling mga ulat, limang kaso na laban sa mga Marcos at kanilang nakaw na yaman ang ibinasura ng Sandiganbayan. Pinakahuli bago ngayong taon ang pagbasura ng Sandiganbayan Second Division noong Oktubre 2019 sa mga pagsisikap ng estado na bawiin ang mga obra, ari-arian at pamumuhunan ng mga Marcos na nagkakahalaga ng ₱1 bilyon.

Ang mga pagbabasurang ito, na ginawa sa ilalim ng rehimeng Duterte, ay una nang binatikos ng mga kinatawan ng Makabayan na nagsabing animo’y “nililinis” ni Rodrigo Duterte ang nakaw na pera ng mga Marcos bilang paghahanda sa noo’y eleksyong 2022.

“Nakagagalit na parang pinabibilis ng Sandiganbayan ang pagbabasura ng mga kaso laban sa mga Marcos at baluktutin ang kasaysayan,” ayon kina Carlos Isagani Zarate at Bayan Muna tsirman Neri Colmenares noong 2019.

AB: Simbahan, dismayado sa pagbabasura ng Sandiganbayan sa kaso ng mga Marcos