Tatlong kaso ng panggigipit laban sa lider ng KMP, ibinasura
Inianunsyo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ngayong araw, Enero 29, na ibinasura ng prosekyutor ng City of San Jose Del Monte (CSJDM), Bulacan ang tatlong reklamo na isinampa ng militar laban kay Ronnie Manalo, pangkalahatang kalihim ng grupo, at iba pa. Sinampahan ng mga pwersa ng estado si Manalo ng Illegal Possession of Firearms and Ammunition, Illegal Possession of Explosives, at Anti-Terrorism Act of 2020.
Nagmula ang mga reklamo sa ginawang reyd at panghahalughog ng mga sundalo ng 80th IB at pulis sa bahay ni Manalo sa Barangay San Roque, San Jose del Monte City noong Hunyo 18, 2024. Pinalabas ng militar at pulis na nakuha sa reyd ang ripleng M16, isang shotgun, granada, laptop, at mga subersibong dokumento.
Ayon sa resolusyon ng prosekyutor, “lumalabas na hindi nakita ng mga nagrereklamo ang tatlong respondent nang dumating sila sa lugar na pinangyarihan, wala nang tao sa kubo.” Nalantad rin na peke ang mga saksi na nakasaad sa reklamo, halimbawa ang ipinakilalang “dating kasapi ng CPP-NPA-NDF” na napag-alamang wala sa naturang barangay nang naganap ang insidente.
“Ang illegal possession of firearms and explosives at mga kaso ng paglabag sa Anti-Terrorism Act ay karaniwang mga kaso na isinasampa laban sa mga aktibista, organisador, at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao dahil wala itong pyansa. Kabilang si Manalo sa patuloy na humahabang listahan..ng mga biktima ng mga ahente ng estado sa tabing ng kontra-insurhensiya,” ayon sa grupo.
Liban sa mga isinampang reklamo kay Manalo, kabi-kabilang kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao ang naitala sa barangay bago at matapos ang reyd. Ayon sa KMP, ang reyd noong Hunyo 2024 ay sinundan ng ilang buwang kampanya ng teror sa mga komunidad ng magsasaka sa hindi bababa sa anim na mga sityo ng Barangay San Roque, Barangay Paradise 3, at Barangay Tungkong Mangga na nakaapekto sa 400 pamilya.
“Ang serye ng pagbabanta, harasment at pwersahang pagpapasuko ay kasabay ng psychological warfare ng 80th IB na nagdulot ng ‘chilling effect’ sa mga residente,” pahayag ng KMP.
Simula pa 2018, militarisado na ang maraming mga barangay sa San Jose del Monte City. Nanatiling nakakampo ang mga sundalo sa mga sentro ng komunidad bilang bahagi ng sinasabing programang Community Organizing for Peace and Development (COPD). Sa tulak ng mga operasyong ito, sapilitang pinapa-“clear” ng mga sundalo ang pangalan ng mga residente sa barangay at munisipyo sa mga kasong wala naman silang kinalaman.