Tropa ng 62nd IB, patay sa operasyong isnayping

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Isang sundalo ng 62nd IB ang napatay noong Oktubre 12 sa isang operasyong pag-isnayp ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Leonardo Panaligan Command (LPC-BHB)-Central Negros. Isinagawa ang aksyong militar na ito bandang alas 3:40 ng hapon sa Sityo Mapun-as, Barangay Guba, bayan ng Vallehermoso, Negros Oriental.

Ang pinatamaang yunit ay kabilang sa lakas-batalyong (200-300) mga sundalo na nag-ooperasyon sa mga hangganan ng mabundok na bahagi ng Canlaon, Guihulngan at Vallehermoso.

Nag-ooperasyon ang naturang mga sundalo sa Sityo Malatanglad at Natuling sa Barangay Budlasan, Canlaon City; sa Sityo Panagtugas at Banderahan sa Barangay Trinidad at at Barangay Calupa-A sa Guihulngan City; sa Sityo Binakayan, Barangay Tabon, Vallehermoso. Namataan sila dito noong Oktubre 12.

Nagsimula ang pangungubkob ng militar sa naturang mga lugar noong Oktubre 10 matapos palibutan at iransak ng 30-kataong yunit ng 62nd IB ang bahay ni Plesing Menosa sa tabing ng paghahanap umano ng mga Pulang mandirigma ng BHB. Labis na troma ang dinanas ng mga kabataan at myembro ng pamilya ni Menosa dahil sa ginawa ng mga militar.

Ayon kay Ka JB Regalado, tagapagsalita ng LPC-BHB-Central Negros, layunin ng aksyong militar na ito ang bigyang hustisya ang mga biktima ng terorismo ng estado sa isla ng Negros. Partikular na tinukoy ni Ka JB ang patraydor na pagpaslang kay Ka Juanito Magbanua (Romeo Nante), tagapagsalita ng Apolonio Gatmaitan Command ng BHB-Negros Island.

Pinaslang si Magbanua ng 94th IB sa utos ng mga upisyal ng 303rd IBde-Philippine Army noong Oktubre 10, 2022 sa Sityo Medel, Barangay Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental. Ito ay sa kabila ng kanyang kalagayang hors de combat (o wala sa kalagayang lumaban) dahil sa iniindang sakit na altapresyon at matinding rayuma.

Kaugnay nito, inaatasan ng LPC-BHB Central Negros ang lahat ng mga yunit nito na maglunsad ng malawakang taktikal na opensiba laban sa mga berdugong tropa ng 3rd ID at 303rd IBde. Isasagawa ang atas na ito habang mahusay na ipinapatupad ang mga gawain sa pagbubuo at pagpatatag ng baseng masa, rebolusyong agraryo at pagpapasulong ng armadong pakikibaka sa mas mataas pang yugto.

AB: Tropa ng 62nd IB, patay sa operasyong isnayping