₱64 kada araw na pamantayan sa pagkain ng NEDA: Kasuklam-suklam, di-siyentipiko at kontra-mamamayan
Nararapat tuligsain ang pahayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na hindi maituturing na hirap sa pagkain (food poor) ang sinumang Pilipinong gumagastos kada araw ng ₱64 kada tao para sa pagkain. Ang pahayag na ito’y iresponsable, insensitibo, di siyentipiko at higit sa lahat, kontra-mamamayan. Walang naniniwala sa pahayag na ito na malinaw na naglalayon lamang ipako sa mababang halaga ang sahod ng mga manggagawa.
Malayo sa reyalidad ang iginigiit na ₱64 kada araw na gastos sa tatlong beses na pagkain sa maghapon. Sa taas ng implasyon sa bigas pa lamang, malayong naiwan na ang halagang ito at sa katunaya’y isang kilong bigas na lamang ang magkakasya rito at kung may sukli ma’y ilang pirasong kendi o tsitsirya ang mabibili. Ang ₱29 kada kilo ng bigas na sinasabing batayan ng NEDA ay sa mga Kadiwa store lamang mabibili na napakabihira lamang naman at maihahalintulad sa paghahanap ng iilang pirasong bato sa malawak na buhanginan.
Sa TK, may mga bayan na walang presensya ni anino ng Kadiwa store. Kapag tinanong ang masa ay `di nila ito alam o sa telebisyon lamang nila nakikita ang ipinagmamalaking tindahan. Nahuhubaran ang kahambugan at kainutilan ng rehimen sa harap ng katotohanan — sa buong Pilipinas, aabot lamang sa 230 ang Kadiwa sites, at sa bilang na ito ay 17 lamang ang gumagana, o wala pang 10% ng kabuuan. Nanggaling ang datos na ito sa mismong kalihim ng Department of Agriculture. Paano kakasya ang 17 tindahan para sa higit daang milyong mamamayan? Kung sa loob ng dalawang taon ay 17 lang ang napaganang Kadiwa store, paano bubunuin ng gubyerno ang ambisyosong target nitong 800-1,000 sa susunod na apat na taon?
Hindi rin makatitindig kahit sa mga probinsya ang ₱64 na badyet sa pagkain. Halos `di lumalayo sa halaga ng arawang gastusin sa NCR ang gastos sa lahat ng probinsya ng CALABARZON. Sa MIMAROPA naman, ang distansya sa NCR ay nangangahulugan ng dagdag na gastos sa pagbibiyahe ng mga produktong pangkonsumo na sa huli’y ipapasa rin sa konsyumer. Batay mismo sa datos ng gubyerno, aabot sa 8.9% ang tantos ng implasyon sa MIMAROPA noong Enero 2023 (kabilang sa limang rehiyong may pinakamatataas na tantos) kaya ang dating ₱355 minimum na sahod ay tumutumbas na lamang sa ₱281.3, pinakamababa sa buong bansa sa panahong nabanggit. Ayon sa pag-aaral ng ilang progresibong mamamahayag at mananaliksik, kahit pa dinagdagan ito ng ₱20-40 ng rehimeng US-Marcos II, bahagya o halos hindi ito maramdaman dahil mas mabilis ang pagsirit ng implasyon sa rehiyon at buong bansa.
Sa bigas pa lamang, kahit sa mga probinsyang may sariling produksyon ng palay at bigas sa TK kabilang ang Laguna, Mindoro at Palawan, umaabot pa rin ng ₱50-55 ang halaga ng kada kilo ng bigas. Mayroon pa ngang umaabot sa ₱60-63 kada kilo sa mga kanayunang bahagi ng Mindoro at Palawan. `Di hamak na napakalayo nito, at laluna ng kwentada ng NEDA kung pagbabatayan ang ₱1,210 na nakabubuhay na arawang sahod ng isang pamilyang may limang miyembro na pumapatak sa ₱242 kada tao, kahit pa ipagpalagay na ang ₱90-100 lamang rito ang nakalaan sa pagkain.
Kasuklam-suklam at malaking insulto para sa masa, laluna sa masang anakpawis ang pagsusuring ito ng NEDA. Lalong malaking insulto ito para sa uring manggagawa, na araw-araw na nagpapagal at nagtatrabaho sa ilalim ng hindi makataong kondisyon sa loob ng mga pabrika’t engklabo pero hindi man lamang maitaas sa makatarungang halaga ang kanilang sahod. Ang malaking kabalintunaan, idineklara kamakailan din lamang ni House Speaker Martin Romualdez ang pagdadagdag ng ₱1.5 bilyong pondo para hindi lamang doblehin kundi palobohin ang arawang alawans ng mga elemento ng berdugo’t pasistang AFP, mula sa ₱150 tungong ₱350. Habang gusto nilang baratin ang mamamayang Pilipino, binubusog nila ang kanilang mga pasistang aso. Hindi lamang insulto kundi dagok sa masang Pilipino, laluna sa mga magsasakang pangunahing biktima ng pamamasista ng mga yunit ng AFP sa kanayunan! May bilyones na kayang gastusin ang rehimen ni Marcos para suhulan at busugin ang AFP pero wala itong pondo para sa taas-sahod ng manggagawa at pagbibigay ayuda sa mga magsasakang pinapatay ng labis na importasyon at mataas na gastos sa produksyon ang kabuhayan.
Ang kawalang-katarungang ito para sa masang nagpapagal ay dapat ilantad, tuligsain at gawing tuntungan upang singilin at papanagutin ang rehimeng US-Marcos II at mga kasapakat niya. Tipunin ang galit ng bayan sa inutil, papet at pasistang rehimen para ibunsod ang isang malakas at malawak na kilusang masang magsusulong sa demokratikong interes at karapatan ng mamamayang Pilipino.
Sa gitna ng matinding krisis at kahirapang dinaranas ng bayan, lalong walang ibang dapat gawin ang mamamayan kundi organisahin at palakasin ang kanilang nagkakaisang hanay. Habang sinisingil ang pabayang rehimen, ilunsad ang mga proyektong tulungan sa kabuhayan at kagalingan sa mga komunidad sa kalunsuran at kanayunan. Dapat itong pangunahan at pamunuan ng CPP sa pamamagitan ng mga sangay nito sa lokalidad para tiyaking magsisilbi sa interes ng masang anakpawis at kanilang pambansa-demokratikong rebolusyon ang mga pagsisikap na ito. Sa huli, tanging sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan makakamit ng mamamayan ang tunay na kasaganaan, kaunlaran, kapayapaan at sosyalismo.