1 patay, 4 sugatan na militar sa engkwentro sa Rosario, Batangas
Magiting na dinepensahan ng isang yunit ng Eduardo Dagli Command-NPA Batangas ang kanilang hanay mula sa ginawang ambush ng mga berdugong sundalo ng 59th IBPA sa naganap na depensibang labanan noong Abril 3, 2025 sa Barangay San Isidro, Rosario, Batangas.
Sa gitna nang volume fire na ginawa ng mga militar, mahusay na nakamaniubra ang mga Pulang mandirigma at nakuha ang bentaheng pwesto. Nagsagawa sila ng mga ganting-putok na dagliang nagpahinto sa militar at kalauna’y narinig nilang sumisigaw ang ilang sundalo ng, “Sir, may tama ako!” Kinumpirma kalaunan ng isang mapagkakatiwalaang source na isa ang patay at apat naman ang sugatan na militar noong Abril 3. Sa kabilang banda, ligtas namang nakaatras ang mga Pulang mandirigma ng walang ni-anumang galos.
Bago nito, nagsasagawa ng pagsisiyasat ang isang yunit ng EDC tungkol sa mga epekto ng mga proyektong pangkalikasan at sumbong ng mga masa sa mga ginagawang paglabag sa karapatang pantao ng 59th IBPA sa bayan ng Rosario nang magkasagupaan sila ng mga berdugong militar.
Ayon sa mga ulat ng masa, dalawang araw makatapos ang depensibang labanan sa naturang barangay ay patuloy pang nagpaputok ng walang-habas (indiscriminate firing) ang mga sundalo.
Ani Gregorio “Ka Goryo” Caraig, tagapagsalita ng EDC-NPA Batangas, “Ang ganitong gawi ng mga militar na walang pakundangan sa buhay at kabuhayan ng mamamayan ay patunay na sinasadya nilang gawing collateral damage ang mga ordinaryong masa kahit walang kinalaman sa rebolusyunaryong kilusan.”
Dagdag pa niya, “Tiyak na may mga maiitim na balakin ang Rehimeng US-Marcos II at ang mga pinapaboran niyang malalaking kontrata ng pagmimina, quarrying, kalsada, at renewable energies na sisira sa kabuhayan ng libu-libong Batangueño.
“Panawagan namin sa mga masang Batangueño, huwag na huwag kayong matatakot sa ginagawang pagbabanta sa inyong buhay. Bagkus, agaran itong isumbong sa yunit ng NPA o di kaya sa yunit ng Partido na pinakamalapit sa inyo upang sama-sama nating malabanan ang mga pakanang makakasira sa inyong kabuhayan at dignidad ng buhay. ”
“Narito ang inyong hukbo, ang NPA, na simula 1969 ay kakampi na ng masang magsasaka at masang anakpawis. Parurusahan ng NPA ang sinumang mapapatunayang nangwawasak sa ating kalikasan at nanglalapastangan sa buhay ng mga mamamayang Batangueño,” pagtatapos ni Ka Goryo.