Pahayag

80th IB at 70th IB, ginugutom ang mamamayan ng Umiray

Mariing kinukundena ng Apolonio Mendoza Command-NPA-North Quezon ang isa na namang bugso ng blokeyo sa pagkain sa kamay ng 80th IB at 70th IB, ginugutom ng kasundaluhan ang mamamayan ng Umiray. Ilang linggo nang kumakalam ang sikmura ng mamamayan sa kawalan ng pagkain at kabuhayan.

Hindi man sinalanta ng nagdaang Bagyong Carina ang Barangay Umiray, General Nakar, Quezon, hinambalos naman ang mamamayan ng malupit na food blockade sa Bituan, Lucban, Malining at Landing. Dahil sa tag-ulan, hindi pa makatuyo ng inaning palay ang mga magsasaka sa mga lugar na ito at sa gayon ay hindi pa ito mapakinabangan. Para pangibabawan ito, umaasa sila sa mabibiling bigas sa mga tindahan, na siya namang kinokontrol at ipinagkakait sa kanila ng mga sundalo ng 80th IB at 70th IB dahil lamang sa paratang na para sa NPA ang bibilhin nilang bigas. Nagsusumikap ang mamamayan ng Umiray na pangibabawan ang hindi nakabubuhay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa kanilang  pagtatrabaho, ngunit ni hindi nila magastos ang kinikita nilang pera dahil pinagkakaitan sila ng bibilhing pagkain ng mga kasundaluhan.

Hinaharang ng 80th IB at 70th IB ang mga sako ng bigas at iba pang pagkain para sa mga tindahan sa mga nasabing sityo. Ilang linggo na nitong hindi pinahintulot ang pag-aahon ng bigas sa mga liblib na sityo ng Lucban, Malining at Landing. Magpahintulot man ito ng pagbili ng bigas, nakabantay ang mga ito sa mga tindahan sa Bituan kung saan sila may kampo at minamanmanan ang mga bumibili. Bukod sa pinapipirma ang bawat pamilya na bibili ng bigas para sa monitoring ng kanilang pagbili, nililimita sa 2 salop ang pwedeng bilhin kada pamilya sa isang linggo, at kung lalagpas dito ay isinasailalim sa matinding interogasyon.

Lubhang kulang ito para sa mamamayang maghapong nagtatrabaho at may mga pakakaining anak. Hirap na hirap na ngayon ang mga pamilya na mag-isip kung saan pa kukuha ng bigas gayong naghihingian na lamang ang mga pamilya sa isa’t isa. Ang mga may tindahan sa mga sityong ito ay nasa bingit ng pagkalugi, at napipilitan ang iba na magsara ng kanilang tindahan dahil wala nang laman ang kanilang tindahan.

Hindi lamang ito ang unang pagkakataong nagsagawa ng matagalang blokeyo sa pagkain sa Umiray. Ginawa din ito noong nakaraan lamang Marso-Abril 2024, noong Abril 2022, at noong Abril-Mayo 2021.

Dapat mariing kundenahin ang ginagawang blokeyo sa pagkain sa Umiray. Hindi makatao at tahasang paglabag ito sa karapatang-tao at hindi dapat tiisin lamang ng mga residente kundi dapat na ilantad at ireklamo. Marami nang kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang 80th IB at 70th IB na siya ring mga batayan upang igiit na palayasin na ang mga ito sa baryo.

Samantala, dapat ding magsama-sama ang mamamayan na humingi ng suporta mula sa kanilang lokal na gubyerno. Nananawagan din kami sa mga tapat na  lingkod-bayan hanggang sa mga barangay na tumindig para sa kanilang mamamayan at igiit na itigil ang blokeyo, padaluyin ang ekonomya sa Umiray at pakainin ang mga tao. Ngayon din nararapat na patimuin ang bayanihan at pagtutulungan sa mga sityo upang pangasiwaan at pangibabawan ang kasalukuyang kasalatan.

Patunay lamang ito sa pasistang katangian ng estado ng rehimeng US-Marcos II, na nasisikmura ang ganitong karahasan sa kanyang mamamayan. Ginugutom na nito ang mamamayan sa taas ng presyo ng pagkain, hinaharang pa ng kanyang tropa ang pagkaing maaari nitong mabili. Walang ibang wastong gawin kundi ibagsak ito at palitan ng gubyernong magtataguyod sa pangangailangan at interes ng mamamayan, sa pamamagitan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan.

80th IB at 70th IB, ginugutom ang mamamayan ng Umiray