Pahayag

AFP, muling nag-iilusyon sa deklarasyong SIPS

Pinasisinungalingan ng Eduardo Dagli Command-NPA-Batangas ang nahihibang na deklarasyon ng NTF-ELCAC ng Stable Internal Peace and Security (SIPS) status at na insurgency-free na ang CALABARZON, kung saan kabilang ang Batangas. Hungkag lamang at pawang pagmamayabang ang deklarasyon sa kabila ng tuloy-tuloy na operasyong militar sa rehiyon.

Walang batayan ito at pinapaniwala lang ng Southern Luzon Command (SOLCOM) at NTF- ELCAC na natapos na nila sa loob ng 8 taon ang armadong tunggalian sa rehiyon. Sa Batangas, malinaw na patunay na hindi nawawala ang NPA sa dami ng pwersa ng AFP na nakapakat sa probinsya. Sa katunayan mas lalong humigpit ang ginagawang sustained and focused military operation (SFMO) sa pangunguna ng 16th IBPA, kung saan bawat lugar na may matukuyang silang presensya ng NPA ay tatambakan nila ng kanilang tropa. Ito ay manipestasyon na hindi totoong wala na o wala nang kakayahan sa paglulunsad ng mga armadong aksyon ang mga sinasabi nilang mga natitira pang mga yunit ng BHB.

Ang ganitong deklarasyon ng AFP ay hindi sumasalamin sa kanilang ginagawang mga aksyon sa Batangas. Walang ibang layunin ito kundi linlangin ang nakikibakang mamamayang Batangueno. Sampal sa kanilang mukha na sa loob ng kanilang pagsisikap na patigilin ang rebolusyon sa probinsya ay patuloy silang nabibigo dahil nakaugat na ito sa mamamayan.

Mula nang maideklarang “insurgency-free” ang Batangas noong 2021 ay marami pang naganap na labanan sa pagitan ng AFP at NPA, kung saan nakakapanlaban at nakakapinsala pa ang NPA sa pasistang tropa.

Walang inabot ang 8 taong kampanya ng reaksyunaryong estado kundi karahasan at panunupil. Duguan ang kamay ng 59th IBPA sa mga naging paglabag sa karapatang-tao mula 2021, tulad ng pamamaslang sa 9-taong gulang na si Kylene Casao at sa may kapansanan sa isip na si Maximino Digno. Tampok din ang naging paglabag sa batas ng digma sa pagpatay sa hors de combat na si Junalice “Ka Arya” Arante-Isita noong 2024. Ngayon ay balak ipagpatuloy ng 16th IBPA ang karahasan, na ngayon ay nagsisimula sa pagtatayo ng mga kampo sa tumpukan ng mga bahayan. Ilan dito ay ang itinatayo sa Brgy. Talahib-Pandayan, Lobo, at Brgy. Quipot, San Juan. Taliwas sa kapayapaan ang pinatunguhan ng kontra-insurhensya ng reaksyunaryong estado.

Ang panggigipit ng reaksyunaryong estado sa paraan ng kontra-insurhensya ay lalo lamang magpapaliyab ng apoy ng pakikibaka sa hanay ng mamamayang pinagsasamantalahan. Hindi mauupos ng pananakot ng estado ang suporta ng masa sa kanilang tunay na hukbo dahil makatwiran ang magrebolusyon. Patuloy ding pinipili ng maraming kabataan ang sumanib at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan dahil nakikita nila ang nagpapatuloy na kawastuhan ng armadong pakikibaka.

Ang rebolusyon ay pagpapatunay ng malaon nang kagustuhan ng mamamayan na makalaya sa kaapihan at kahirapan sa kamay ng mga ganid sa yaman na imperyalismong US, katuwang ang mga burukrata kapitalista sa reaksyunaryong estado. Makakamit lamang ang tunay na kalayaan sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan at pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan na magsisilbi sa mamamayang Pilipino.

AFP, muling nag-iilusyon sa deklarasyong SIPS