Pahayag

Aktibong depensa ng BHB-Albay laban sa 49th IB

Binigo ng isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa ilalim ng Santos Binamera Command (SBC) ang pataksil na pag-atake ng 49th IBPA sa pansamantalang himpilan nito sa barangay Matanglad, Pioduran, Albay noong Oktubre 27 alas 5 ng umaga. Ligtas na nakamaniobra ang mga kasama samantalang dalawa ang namatay at isa ang sugatan sa hanay ng mga militar.

Upang pagtakpan ang kabiguan, nagimbento ng kasinungalingan si Maj. Frank Roldan ng 9th IDPA na nasa Humanitarian Assistance and Disaster Response Operation ang kanilang tropa. Wala ring katotohanan na labag sa batas ng digma ang paggamit ng BHB ng Command Detonated Explosives (CDX) bilang armas sa pakikidigma. Dapat pag-aralan ni Maj. Roldan ang Ottawa Treaty upang maunawaan nya na hindi kasabay sa ipinagbabawal na armas ang CDX na ginagamit ng BHB. Hindi rin gumamit ng CDX ang yunit ng BHB sa partikular na labanan.

Nasa lugar ang yunit ng BHB upang maglunsad ng pagsisiyasat at tumulong sa masa na nasalanta ng bagyo. Nasa proseso ang mga kasama sa pagpapakilos sa masa para magbayanihan upang kagyat na makabangon sa harap ng pinsala at kapabayaan ng gobyerno.

Hindi tulong o humanitarian assistance kundi perwisyo sa buhay at kabuhayan ng masa ang dulot ng walang tigil na operasyong kumbat at RCSP ng 49th IBPA sa barangay Matanglad at mga katabing baryo simula pa 2022.

Aktibong depensa ng BHB-Albay laban sa 49th IB