Aktibong Depensa ng NPA-Mindoro laban sa 76th IBPA, isang bigwas sa kaaway!
Taas kamaong pagbati ang ipinaabot ng Lucio de Guzman Command-NPA Mindoro sa isang yunit ng NPA sa isla sa aktibong pagdepensa nito sa umaatakeng kaaway. Naganap ang labanan noong Nobyembre 18, 2024, bandang alas singko ng hapon sa Sitio Camilian, Barangay Bugtong na Tuog, Socorro, Oriental Mindoro. Malaking dagok sa kaaway ang muling pagbigo ng NPA sa tangkang paglipol ng 76th IPBA at 203rd Brigade sa isang pulang yunit. Sa halip na malipol kagaya ng hibang nilang target, matapang silang nilabanan ng mga Pulang mandirigma hanggang sa ligtas silang nakaatras. Nagngingitngit sa galit ang 76th IBPA dahil sila na itong umatake, kanilang panig din ang nagkaroon ng malaking kaswalti na umabot sa dalawang napatay at marami ang nasugatan.
Pinagbalingan ng galit ng 76th IBPA ang masa dahil sa kabiguan nitong durugin ang NPA at sa laki ng tinamong kaswalti. Kagyat na nagpataw ng food blockade at inilockdown ang barangay at mga karatig na lugar. Kinampuhan ng mga Mobile Community Support Program Operation o MCSPO (dating RCSPO) ang barangay para patuloy na takutin, gipitin, isurbeylans, at kontrolin ang kilos ng mga residente sa dudang sumuporta ang mga ito sa NPA. Perwisyo ang mga berdugong yunit ng 203rd Bde sa sibilyan na ginugutom sa food blockade, inaabala sa paghahanap buhay at nilalabag ang mga batayang karapatan. Tiyak na titindi pa ang pasismong pakakawalan ng kaaway sa mga sibilyan lalo’t sunud-sunod ang tinatamo nitong pinsala sa mga labanan.
Matatandaan na nitong Nobyembre 5, anim ang napatay sa kanilang hanay at marami pang nasugatan resulta ng matagumpay ding aktibong pagdepensa ng BHB sa pag atakeng isinagawa nito laban sa isang yunit ng NPA. Nagaganap ang sunud-sunod na kaswalti sa mga tauhan ng berdugong 203rd Brigade sa pagmamadali nitong tapusin ang CPP-NPA-NDF sa isla hanggang katapusan ng Disyembre 2024. Dagdag na ipinakat pa sa isla ng Mindoro mula sa CALABARZON ang buong batalyon ng 1st IBPA na notoryus sa kalupitan sa masa at bilang karagdagan para sa pagkamit ng hibang nitong target.
Dahil sa matapang na pakikipaglaban ng mga Pulang Hukbo sa mga pasista at mainit na pagtanggap at pagsuporta ng masa sa NPA, muling nabigo ang pagtatangka ng kaaway na lipulin ang NPA. Pagpapatunay ito, na kahit saan, walang hanggan ang pagmamahal at pagtataguyod ng masa sa kanilang hukbo, ang NPA, kaya nagagawa nitong ligtas na makapagmaniobra at makaalpas sa mga pag atake ng kaaway. Saanman may masang naghihirap, inaapi at pinagsasamantalahan, tiyak na may ligtas na lugar para sa mga NPA. Gayundin, dahil sa hindi nauubos na determinasyon ng NPA sa paglaban, tiyak na paulit-ulit nitong bibiguin ang anumang atake ng mga pasista. Kaya hamon sa mga NPA na higit na magpalakas at determinadong lumaban, pataasin ang kasanayan, ang mga taktika at teknika upang mas maging mahusay sa pakikihamok sa kaaway at bigwasan ang mga berdugong ito. Walang ibang aasahan ang mamamayang inaapi’t pinagsasamantalahan na magtatanggol sa kanila kundi ang kanilang hukbong bayan.
Kailangang mahigpit na magkaisa ang mamamayang Mindoreño upang labanan ang pasismong inihahasik ng 203rd Brigade at PNP MIMAROPA. Ibigay ang pinakamainit na suporta sa NPA na siyang tunay na nagtatanggol sa interes ng masa para sa pambansang kalayaan at demokrasya.
Mga pasistang militar at pulis sa kanayunan, bigwasan!
Mamamayang Mindoreño, pakamahalin at sumampa sa Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Bagong Hukong Bayan!