Balita

Pag-atake ng 12th IB sa BHB sa Capiz, binigo

Nabigo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Panay (Jose Percival Estocada Jr Command) ang pag-atake ng 12th IB laban sa isa nitong yunit sa hangganan ng Barangay Artuz at Barangay Apero sa bayan ng Tapaz, Capiz noong Hulyo 19. Aktibong nakapagtanggol ang hukbong bayan laban sa tropa ng militar sa pamamagitan ng maagap na paghahanda at paglunsad ng kontra-atake.

“Sa gulat ng militar, parang mga asong ulol sila sa kanilang walang patumanggang pagpapaputok,” ayon sa BHB-Central Panay. Para pagtakpan ang kanilang pagkatalo, naghabi ng kwento ang 12th IB, kasama ang 3rd ID, ng gawa-gawa nilang tagumpay laban sa BHB.

Anang yunit, malaking kasinungalingan ang pahayag ng militar sa midya na may nakuha silang matataas na kalibre ng armas at iba pang gamit pandigma sa pinangyarihan ng labanan. “Wala ni isa o anumang gamit na naiwan ang mga kasama, kabaligtaran sa kasinungalingang ipinagyayabang ng militar. [G]awa-gawa lang ng militar ang mga larawan na ipinalabas sa social media,” anito.

Pinasinungalingan rin ng hukbong bayan ang pahayag ng militar na mayroong naganap na mga labanan at nakubkob ang kampo ng BHB noong Hunyo 16 sa Sityo Naatip, Barangay Lahug, Tapaz. Wala rin umanong katotohanan na nakasamsam ang mga sundalo ng mga armas at eksplosibo, iba pang mga gamit pandigma, mga subersibong dokumento at personal na gamit sa araw na iyon. Hindi rin umano totoo ang kasunod na pahayag ng 82nd IB na may nahukay silang mga armas at iba pang mga gamit ng hukbong bayan sa Barangay Dalagsaan, Libacao, Aklan.

“Desperado itong hakbang at sadyang nakababahala sa pagiging eksperto sa paghabi ng kasinungalingan ng mga yunit militar sa ilalim ng 3rd ID,” ayon sa BHB-Central Panay. Malinaw na layunin umano nito na makapag-ulat ng “tagumpay” para linlangin ang madla at kubrahin ang mga pabuya.

Kaakibat ng mga kwentong ito ng 3rd ID ang patong-patong na mga paglabag sa karapatang-tao ng mga sundalo sa paglulunsad ng mga focused military operations. Binabaliwala ng mga bergudo ang karapatang-tao at internasyunal na makataong batas sa target na makapagdeklara ng Stable Internal Peace and Security o SIPS status sa buong isla ng Panay.

Nagdudulot ng ligalig sa tahimik na pamumuhay ng mamamayan ang mga operasyong ito ng miltiar. Naghahatid din ito ng matinding takot at pagkabahala laluna at pinagbabawalan o nilimitahan ng militar ang mga magsasaka sa pagpunta sa kanilang mga sakahan para sana maasikaso ang kanilang mga alagang hayop at pananim.

AB: Pag-atake ng 12th IB sa BHB sa Capiz, binigo