Balita

BHB-Batangas, aktibong nakapagdepensa laban sa umaatakeng 59th IB

Magiting na nakapagdepensa ang isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Batangas (Eduardo Dagli Command) laban sa ambus ng mga sundalo ng 59th IB noong Abril 2 sa Barangay San Isidro, Rosario, Batangas. Nagawang makapagmainobra ng mga Pulang mandirigma at nakuha ang bentaheng pwesto sa gitna ng pagpapaulan ng bala ng mga sundalo ng 59th IB.

Nakaganti ng putok ang Pulang hukbo na dahilan ng biglang pagtigil ng pagpapaulan ng bala ng mga sundalo. Kalaunan, narinig na lamang ng mga Pulang mandirigma ang mga sigaw ng ilang sundalo ng 59th IB na tinamaan sila.

Matapos ang labanan, nakumpirma ng BHB-Batangas sa isang mapagkakatiwalaang source na isa ang patay at apat ang nasugatang sundalo ng 59th IB. Sa kabilang banda, ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma nang walang ni-anumang galos, ayon sa yunit.

Ang inatakeng yunit ng hukbo ay nagsasagawa ng pagsisiyasat sa mga komunidad tungkol sa mga epekto ng mga proyektong pangkalikasan. Isinasadokumento rin ng yunit ang sumbong ng mga magsasaka at residente na mga ginagawang paglabag sa karapatang-tao ng 59th IB sa bayan ng Rosario.

Matapos ang bigong pagsalakay, kaagad na nagpakat ng mga sundalo sa mayor na kalsada ng Barangay San Isidro ang 59th IB at Philippine National Police. Kabi-kabila ang tsekpoynt na itinayo ng mga ito na lubhang nakaabala sa malayang daloy ng kabuhayan ng mga sibilyan. Samantala, dalawang araw matapos ang labanan ay naiulat ang walang habas na pagpapaputok ng 59th IB na nagdulot ng takot sa mga residente.

Kinundena ni Gregorio “Ka Goryo” Caraig, tagapagsalita ng BHB-Batangas, ang karahasang militar. “Ang ganitong gawi ng mga militar na walang pakundangan sa buhay at kabuhayan ng mamamayan ay patunay na sinasadya nilang gawing collateral damage ang mga ordinaryong masa kahit walang kinalaman sa rebolusyunaryong kilusan,” aniya.

Dagdag pa ng tagapagsalita, “tiyak na may mga maiitim na balakin ang rehimeng US-Marcos II at ang pinapaboran niyang malalaking kontrata ng pagmimina, quarrying, kalsada, at renewable energies na sisira sa kabuhayan ng libu-libong Batangueño.” Pinatutungkulan ni Ka Goryo ang mga proyektong planong itayo sa mga bayan ng Rosario at katabing mga bayan nito.

“Panawagan namin sa masang Batangueño, huwag na huwag kayong matatakot sa ginagawang pagbabanta sa inyong buhay. Bagkus, agaran itong isumbong sa yunit ng BHB o di kaya sa yunit ng Partido na pinakamalapit sa inyo upang sama-sama nating malabanan ang mga pakanang makakasira sa inyong kabuhayan at dignidad ng buhay,” paghimok niya.

Ayon pa kay Ka Goryo, “narito ang inyong hukbo, ang BHB, na simula 1969 ay kakampi na ng masang magsasaka at masang anakpawis. Parurusahan ng BHB ang sinumang mapapatunayang nangwawasak sa ating kalikasan at nanglalapastangan sa buhay ng mga mamamayang Batangueño.

AB: BHB-Batangas, aktibong nakapagdepensa laban sa umaatakeng 59th IB