Pahayag

Ang demokratikong rebolusyon ay karapatan at tungkulin ng mamamayan

Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, dapat mabatid ng mga Masbatenyo na tanging armadong paglaban ang solusyon upang nawakasan ang armadong pang-aapi.

Ipinagkait sa mga Masbatenyo ang karapatan sa tunay at libreng serbisyong panlipunan. Sa Masbate, mas marami pa ang ditatsment at kampo ng militar kumpara sa mga pagamutan at pasilidad pangkalusugan. Walang sapat na eskwelahang sasalo sa mga kabataan at sa mga nagnanais na maging guro. Sa halip na bigyan ng libreng edukasyong pampubliko at kaakibat na disente at nakabubuhay na trabaho, pinupwersa ang mga kabataan na sumapi sa militar o CAFGU upang sanayin na pagtaksilan at pumatay ng kapwa nila inaapi.

Ipinagkait sa mga Masbatenyo ang karapatang makapagtamasa ng demokrasyang pampulitika. Sa Masbate, nananatiling sakal ang mamamayan sa armadong paghahari ng mga rantsero. Nailuluklok sa kapangyarihan ang mga tiwali, warlord at gahamang dinastiya tulad ng mga Kho dahil sa kulturang padrino, pagbili ng boto at armadong karahasan ng mga pulitiko.

Ipinagkait din sa mga Masbatenyo ang karapatan sa lupa at kabuhayan. Sa Masbate, pinalala ng agresibong pangangamkam ng lupa ang laganap nang kawalan ng lupa sa prubinsya. Higit 200 libong ektarya ng lupa ang saklaw ng mga pasto o halos kalahati ng kabuuhang land area ng Masbate. Ang katiting na lupaing para sa mga magbubukid ay aagawin pa ng mga malalaking pulitiko at dayuhang kumpanya tulad ni Masbate Gov. Kho, ng Filminera Mining at Empark Land Development. Daan-daang pamilya ang patuloy na nawawalan ng kabuhayan matapos palayasin sa kanilang mga lupang binubungkal.

Ipinagkait din sa mga Masbatenyo ang karapatan na magtipon at magkaisa para ipaabot ang kanilang mga hinaing at interes. Tinambakan ng tropang militar ang Masbate sa layuning takutin ang mga Masbatenyo. Hindi bababa sa 80 mga ditatsment at kampo ang nakapalibot sa mga komunidad ng magsasaka upang gipitin, sindakin at supilin ang pagnanais ng mga magsasaka na kumilos. Pinagbawalan ang mga protesta at mobilisasyon. Pinagbawalan din ang mga progresibong organisasyon na makapag-organisa sa mga komunidad.

Ipinagkait ang karapatan ng mga Masbatenyong mabuhay. Sa ilalim ng sistemang ito, ang pagpatay sa inosente at mga magsasaka ay isang patakaran ng estado. Sa Masbate, kasalukuyang may kabuuhang 122 sibilyan, karamiha’y magsasaka, ang pinatay ng mga elemento ng AFP-PNP-CAFGU sa ilalim ng pinagsamang paghahari ni Rodrigo Duterte at Bongbong Marcos.

Wala nang natira sa mga Masbatenyo kundi ang karapatang lumaban at maghimagsik. Ang karapatang maghimagsik ay isang sagradong karapatang hindi dapat bitawan ng mga Masbatenyo. Ginagabayan ng Partido Komunista ng Pilipinas ang karapatan ng mamamayan na maghimagsik laban sa pang-aapi at pagsasamantala.

Sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong Pilipino, tunay na matatamasa ng mga masang Masbatenyo ang kanilang karapatan. Sa itatayong demokratikong gubyernong bayan sa gabay ng Partido Komunista ng Pilipinas, titiyakin ang mga sumusunod:

Karapatang bumoto at mahalal anuman ang kasarian, lahi, nasyunalidad, hanapbuhay, uring pinagmulan, katayuan sa kabuhayan, relihiyon, edukasyong naabot;

Kalayaang magsalita, bumuo ng asosasyon, malayang pamamahayag, at magtipon para isulong ang rebolusyonaryong adhikain ng masang anakpawis;

Kalayaan sa konsensya at pananampalataya
Karapatan sa mahusay na kundisyon sa pagtrabaho at pamumuhay, pahinga, bakasyon, benepisyo, pensyon, segurong sosyal at iba pang pangkagalingan;

Karapatan sa libreng edukasyong pampubliko, serbisyong pangkalusugan at iba pang serbisyong panlipunan
Karapatan sa lupa, makabuluhang sahod, suportang agrikultural laluna sa kahandaan sa kalamidad;

Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao, wasto at kailangan ng mga Masbatenyo na makilahok sa lumalawak na mga pagkilos para panagutin kapwa si Marcos at ang mga Duterte sa kanilang krimen sa taumbayan. Dapat itakwil ang kanilang salpukan bilang pagpapatunay sa kabulukan ng kasalukuyang sistemang malakolonyal at malapyudal.

Sa armadong paglaban, hindi lamang magagapi ang armadong pang-aaping dinaranas ng sambayanan sa ilalim ng sistemang malakolonyal at malapyudal, kundi makakamit ang isang lipunang tunay na demokratiko at malaya.

Ang demokratikong rebolusyon ay karapatan at tungkulin ng mamamayan