Pahayag

Ang Tunay na Kalagayan ng Magsasakang Ilokano sa Dalawang Taong Paghahari ng Rehimeng Marcos Jr

,

“Bolboladas manen!” (“Puro buladas na naman!”) Gaya ng inaasahan, puro pambobola ang narinig ng mga magsasaka at mangingisda ng Ilocos sa ikatlong State of the Nation Address ng pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Dalawang taon na sa Malakanyang ng naturingan pang kababayan namin ngunit walang bakas ng pag-unlad sa aming kabuhayan at mga komunidad. Ang tanging layunin ni Marcos Jr. sa pagbalik sa palasyo ay kumpunihin ang kanilang nasirang pangalan at magkamal ng higit pang kayamanan. Ngunit anumang pagkumpuni, napapatunayan nating kung anong puno ay siya ring bunga. Dahil sa siya ay pinalaki ng kaniyang ama upang magpatuloy ng kanilang dinastiya upang magpayaman. Kung kaya’t kagaya ng pamumuno ng gahaman, pasista’t diktador niyang ama, ang pamumuno ni Marcos Jr ay nagdudulot ng matinding krisis pang ekonomiya at malalang paglabag sa karapatang pantao sa pagpapakatuta sa imperyalistang US at pagsisilbi sa malalaking burges kumprador at panginoong maylupa.

Krisis sa Ekonomiya

Nitong nakaraang pananalasa ng El Niño, malinaw ang kawalan ng kahandaan ng rehimeng Marcos Jr. sa pagharap sa sakuna. Nakakadismaya ito lalo na at naging maaga ang babala ng PAGASA hinggil sa paparating na El Niño na sa mga panahong iyon noong nakaraang taon ay si Marcos Jr. pa ang kalihim ng Department of Agriculture.

Lalo lamang tumingkad ang mga dati nang problema sa agrikultura tulad ng kawalan ng mga sumusunod: sariling lupa, serbisyong patubig, at ayuda at subsidyo para sa produksyon. Bagamat malaki ang naging lugi ng mga magsasaka lalo na sa mais at palay, walang naging pagbaba sa upa sa lupa at mataas na interes sa pautang na obligado pa nilang bayaran. Kinakatangian man ng kawalan ng tubig ang El Niño, mayroon pa ring mga bukal ng tubig na hindi masasaid ngunit hindi ito nasamantala para sa mga sakahan at pananim dahil sa mga maling disenyo o di kaya’y substandard na pagkakagawa ng mga irigasyon.

Sa mga nabuhusan ng subsidyo ay maganda ang ani sa tabako, subalit marami din ang bagsak ang ani dahil sa kasalatan ng tubig at kakulangan ng subsidyo. Itinaas ang presyo ng tabako subalit hindi pa rin ito makasapat upang makabawi ang magsasaka mula pa sa mga nakaraang pagkalugi. Anumang pagtaas sa presyo ng tabako ngayon ay di pa rin makahabol sa laki ng gastos sa produksyon at sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng araw-araw na pangangailangan ng mga pamilyang magsasaka. Sa utang pa rin napunta ang kanilang kita. Higit pa, hindi rin naman napapakinabangan ng mga magsasaka ang nakukuhang excise tax sa tabako dahil hindi ito inilalaan sa pagpapaunlad ng kanilang produksyon. Bagkus ay tila nagiging personal na pondo ito ng mga lokal na politiko, na ginagastos nila sa anumang proyektong magpapabango sa kanila.

Mula pandemya hanggang sa pananalasa ng El Niño ay walang sumasapat na ayudang natanggap ang mga magsasaka at mangingisda. Walang alternatibong kabuhayan. At higit sa lahat tila walang maaasahan maging sa parating na La Niña sa mga susunod na buwan.

Ang mga mangingisda sa Lingayen Gulf at baybayin ng Ilocos ay nananatiling mukha ng labis na kahirapan. Kumikitid ng kumikitid ang kanilang maaaring pangisdaan. Pinapahintulutan ng pamahalaan ang mga commercial fishing vessels sa nasabing golpo na umuubos sa mga isda at sumisira sa mga bahura. Gayundin ay may polisiya ang mga lokal na pamahalaan na sa loob lamang ng municipal waters maaaring mangisda ang maliliit na mangingisda. Malaki ring banta sa kabuhayan ng mangingisda ang planong prayoridad na proyekto ni Marcos Jr. na Offshore windmills sa Pangasinan, La Union at Ilocos Norte.

Ang El Niño ay nagpalala pa ng kahirapan nila sa paghuli ng isda. Dahil sa init ng panahon ang mga isda ay higit na lumayo at pumailalim sa dagat. Ang mga mangingisda ay gumagamit lamang ng maliliit na bangka, atrasadong porma ng pangingisda at kaunti lamang ang nabibiling gasolina dahil sa kamahalan nito kaya’t wala silang kakayanan na pumalaot ng ganoon kalayo at kalalim.

Tuta ng Imperyalistang US

Tulad ng kaniyang ama, malinaw na sunud-sunuran si PBBM sa bawat dikta ng imperyalistang Estados Unidos, mula sa pagpapatupad ng mga neoliberal na polisiya hanggang sa pagpapahintulot sa presensya ng tropang militar nito sa ating teritoryo.

Ang solusyon ng pamahalaan sa pagtaas ng presyo ng bilihin na pagsandig sa importasyon ay tuluyang pumapatay sa agrikultural na produksyon ng bansa. Hindi lamang bigas ang iniimport, maging isda at iba’t ibang klaseng gulay. Ang Ilocos ang top producer ng bawang at isa ding pinakamakamalaking prodyuser sa buong bansa, subalit pinapatay ng importasyon ang produksyon sa mga ito. Hindi pabababain ng importasyon ang presyo ng mga bilihin sa bansa dahil ito ay pangunahing hawak ng mga kartel at ismagler. Kung nais ng pamahalaan na bumaba ang presyo ng pagkain, dapat ay ipatupad ang tunay na reporma sa lupa.

Sa inilunsad na Balikatan Exercises nitong Mayo, maraming mga mangingisda sa Ilocos Norte ang naapektuhan ng No Sail Policy. Sa bawat araw na hindi makapalaot ang mga mangingisda ay nagbubunsod ng kagutuman para sa kanilang pamilya. Lalo na at sa ilang araw ng Balikatan ay walang ibinigay na alternatibong kabuhayan ang lokal na pamahalaan. Sa kasalukuyan ay mayroong naka posisyon na MRC missile system sa Ilocos Norte, na kahit sa Kongreso at internasyunal na komunidad ay nakatawag pansin at tinutuligsa. Ang paglalagay ng nasabing missile system ay nagpapatindi ng tensyon sa West Philippine Sea at nagdadala ng matinding panganib para sa mga mamamayan at komunidad.

Paglabag sa Karapatang Pantao

Nitong nakaraan ay nagtayo ng isang Presidential Human Rights Committee Secretariat. Ngunit kakatwang bahagi nito ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ang pangunahing tagapaglabag sa karapataong pantao simula pa noong rehimeng Duterte.

Patuloy na nakararanas ang mamamayan ng matinding militarisasyon sa kanayunan tulad ng naging pangbobomba sa mga komunidad ng Sta. Maria, Ilocos Sur at Pilar, Abra noong April 2. Tuloy-tuloy at kabikabila ang mga harassment, surveillance, red-tagging, warrantless arrest, peke at sapilitang pagpapasurrender sa mga kasapi ng mga ligal at demokratikong kapisanan ng magsasaka at mangingisda sa rehiyon.

Kababain! (Nakakahiya!) Yan ang masasabi naming mga ilokano sa dalawang taon na pagbabalik ng mga Marcos sa Malakanyang. Walang pinagbago ang kanilang pamumuno, ang magarbong lifestyle at ang pagpapahirap na idinudulot nila sa sambayanang Pilipino. Hindi sila natuto mula sa kasaysayan. Sa ilalim ng naunang rehimeng US-Marcos ay lumakas ang pambansa-demokratikong kilusan dahil sa katulad na kadahilanan ng matinding kahirapan at pagsasamantala. Milyon milyong mamamayan ang nagmartsa at nagtagumpay na patalsikin ang pamilyang Marcos dahil sa punong puno na sila. Libo-libo ang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at lumakas ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka dahil nakita mismo ng mamamayan na hindi na sumasapat ang mga parlametaryong porma ng pakikibaka. Napatunayan ng mamamayang Pilipino na ang ang estado ng naghaharing uri ay armado kayat kailangan nila ng sariling Hukbong tunay na magtatanggol sa kanila. Ang National Democratic Front naman ay nagkonsolida sa lahat ng inaaping pwersa at sektor upang mapatibay pa ang kanilang rebolusyonaryong hanay na magpapabagsak sa naghaharing rehimen.

Ang rehimeng Marcos Jr. ay mag-iiwan ng isang malaking lamat sa kasaysayan ng Pilipinas, tulad ng ginawa ng kaniyang ama. Titindi lamang ang paglaban ng mamamayan at guguho ang ideyalismo ng masang Ilokano sa isang “Apo Lakay” na nambulag sa kanila sa pantasya ng estetikong pag-unlad ng “Bagong Lipunan.” Ang anak ng Apo Lakay na ito ay para lamang robot na umuulit at gumagaya lamang sa kaniya sa pagtatambol naman ng “Bagong Pilipinas,” at kadalasa’y wala pang laman ang nais sabihin.

Sa lahat ng tsapter at kasapi ng Pambansang Katipunan ng Magsasaka sa rehiyong Ilocos, ibayong paramihin ang kasapian. Abutin ang lahat ng mga sakahan at pangisdaan upang maipropaganda at maipaliwanag ang kabulukan ng sistemang malakolonyal at malapyudal na pinalalala pa ng muling paghahari ng mga Marcos. Huwag magdalawang isip na ilantad ano ang tunay na kulay ni Marcos Jr dahil damang-dama na ito ng masang anak-pawis. Panagutin siya bilang pangunahing kinatawan ng naghaharing uri sa pagpapalala ng krisis pang ekonomiya, panlipunan at pampulitika ng Pilipinas at yanigin ang kaniyang rehimen. Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon bilang alternatibong programa ng pambansa demokratikong kilusan na tunay na reresolba sa kahirapan ng masang magsasaka at krisis na kinakaharap ng bansa.

Patuloy na magpasampa sa Bagong Hukbong Bayan at isulong ang armadong pakikibaka na pinakamabisang paraan sa pagtataguyod ng pambansa demokratikong rebolusyon.

Ang Tunay na Kalagayan ng Magsasakang Ilokano sa Dalawang Taong Paghahari ng Rehimeng Marcos Jr