Ika-56 anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan, ipinagdiwang ng NDFP
Naglunsad ng iba’t ibang aktibidad ang mga organisasyong bahagi ng National Democratic Front (NDF) bilang pagdiriwang sa ika-56 na anibersaryo ng Bagong Hukbong Bayan noong Marso 29. Binigyang pugay nila ang mga Pulang mandirigma at kumander ng BHB sa kanilang hindi natitinag na rebolusyonaryong diwa sa pagsusulong ng armadong pakikibaka sa kanayunan.
Noong Marso 29, naglunsad ng maiksing programa ang Kabataang Makabayan (KM)-Kira Mindoro sa loob ng Polytechnic University of the Philippines (PUP)-Manila para himukin ang mga iskolar ng bayan na lumahok sa pakikibaka ng hukbong bayan. Bitbit nila ang isang malaking balatengga, at mga bandila ng Partido, BHB at ng NDF.
Matapos ang programa, isinabit ng mga myembro ng KM ang balatengga at mga bandila sa ika-apat at ika-limang palapag ng gusali sa kampus. Sa araw ding iyon, naiulat ang mga pinta at poster sa mga pader at iba’t ibang silid sa PUP na inilagay ng KM. Layunin ng mga ito na ipabatid sa mga kapwa nila kabataan at iskolar ng bayan ang magiting na hangarin ng BHB.
Naiulat rin ang pagpaskil ng KM ng mga katulad na panawagan sa kampus ng De La Salle-College of Saint Benilde sa araw na iyon. Kabilang sa ipinaskil sa kampus ang isang tula na likha ng balangay ng KM. Nangako ang grupo na palalakasin ang kanilang hanay para patuloy na suportahan ang digmang bayan.
Samantala, naglabas ng pahayag ng pagbati ang mga balangay ng KM sa prubinsya ng Rizal at Quezon. “[Liban sa] pagbibigay ng suportang materyales, nakapagpadala din ng libu-libong mahuhusay na kadre at aktibista na pinanday ng pakikibaka sa lungsod ang KM upang mas lalong pag-alabin ang pagsusulong ng digmang magsasaka sa kanayunan,” pahayag ni Ka Abet Peninsula, tagapagsalita ng KM-Quezon (Balangay Dani Lagrima).
Nanawagan ang balangay sa mga kabataang Quezonin na tupdin ang makasaysayang tungkulin at tumangan ng armas at durugin ang reaksyunaryong estado. “Tara, mag-exposure, tour of duty at mag-pultaym sa BHB,” paghimok ni Ka Abet.
Noong Marso 30, nagmartsa ang mga organisasyon sa ilalim ng NDF kabilang ang KM, Liga ng Agham para sa Bayan, Katipunan ng mga Gurong Makabayan at iba pa sa loob ng University of the Philippines-Diliman para ipagdiwang ang anibersaryo ng BHB. Nasaksihan ang pagkilos ng mga namamasyal at naglalakad sa loob ng kampus.
Naglunsad rin ng “operation pinta” ang mga kasapi ng Christians for National Liberation sa kahabaan ng Aurora Boulevard Extenstion sa Quezon City noong Marso 23 bilang suporta sa BHB.
Bilang pagbati sa anibersaryo, naglabas din ng pahayag ang pambansang pamunuan ng NDF, ang NDF-Ilocos, at Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid.