Base militar ng US: Pangyuyurak sa Soberanya, Hindi Tugon sa Sakuna!
Mariing kinukundena ng NDFP-ST at mamamayan ng Southern Tagalog ang pahayag ni Marcos Jr. na malaking tulong ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) at mga ayuda ng US para mapahusay ang “calamity response” ng rehimen. Ipinahayag niya ito sa courtesy call ni US Defense Secretary Lloyd Austin III sa Malacañang noong Nobyembre 18, habang sinasalanta ng Bagyong Pepito ang bansa. Isang kalapastanganan ito para sa mga Pilipino dahil ang dominasyon at kontrol mismo ng US sa Pilipinas ang pinakamapangwasak at pinakamalupit na sakunang daantaon nang nananalanta sa buhay, kabuhayan at karapatan ng mamamayan.
Umaalinsunod ang mga papuri ni Marcos Jr. sa kabuuang kampanyang propaganda ng US para lasunin ang isip ng mamamayang Pilipino at supilin ang kanilang paglaban sa pagpapanumbalik ng mga base militar ng US. Sa kumpas ng US, ipinalalaganap ang normalisasyon ng presensya ng mga pwersang Kano sa pamamagitan ng pagtatambol sa mga balita tungkol sa direktang paglahok ng mga sundalong Amerikano at pagpapagamit sa mga pasilidad-militar nito sa mga calamity response at civic missions ng gubyernong Marcos Jr. Naging hudyat ang pagbisita ni US VP Kamala Harris sa bansa noong Nobyembre 2022 ng pagpaparami ng EDCA sites mula sa dating lima tungong siyam.
Kahit anong gawing pagpapabango ng rehimeng US-Marcos II, umaalingasaw ang imbing pakana ng US na gamitin ang Pilipinas bilang base sa niluluto nitong gera laban sa China. Nagsisilbing smokescreen ang mga humanitarian mission sa mga operasyong kombat at pagpupwesto ng mga militar ng US sa Pilipinas. Dapat na kundenahin ang pagpapaugong ng mga maka-US na masmidya sa naging “ayudang pangkalamidad” ng US samantalang hindi isinisiwalat sa publiko ang mga aktibidad at presensya ng tropang militar ng US sa loob ng bansa na yumuyurak sa pambansang soberanya. Bukod dito, patuloy na nagsusunud-sunuran sa sulsol ng US ang nagtatapang-tapangang si Marcos Jr. para ibuyo ang China at sakyan ang agresibong tugon ng huli upang lalong mabigyang-katwiran ang interbensyon ng US. Nakaayon sa planong gera ang paglagda sa General Security of Military Information Agreement (GSOMIA) na bagong kasunduang militar ng Pilipinas at US kung saan ibinuyangyang ni Marcos Jr. sa US ang buong paniktik panseguridad at pangmilitar ng Pilipinas kapalit ng $1 milyong ayuda.
Taliwas sa kasinungalingan ng US, ang EDCA ay isang tagibang na kasunduang militar na pangunahing nagsisilbi sa imbing layunin ng US na makapagbase sa Pilipinas bilang bahagi ng estratehiyang geopulitikal at pangmilitar nito. Paano masasabing “humanitarian” ang misyon ng EDCA gayong malinaw ang pinsalang idudulot nito di lamang sa mga Pilipino kundi sa mamamayan ng daigdig sakaling maiputok ng US ang digmaan sa rehiyong Asia-Pacific? Hindi pa man ganap na pumuputok ang gera laban sa China, winawasak na ng mga wargames at iba pang ehersisyong militar ng US-GRP ang kalikasan na siyang buhay at kabuhayan laluna ng mga naninirahan malapit sa WPS. Maraming magsasaka, mangingisda at katutubo ang pinalalayas sa mga lugar na pagtatayuan ng EDCA sites at mga pinaglulunsaran ng joint military exercises.
Liban dito, ang ipinagyayabang ni US Defense Secretary Lloyd Austin III na mga “humanitarian” mission sa porma ng mga disaster response ay pakitang-tao lamang at tusong pagtatangka na alisin ang pananagutan ng imperyalismong US sa pagkawasak ng mundo at paglala ng climate change. Bilang numero unong imperyalista, winawasak ng industriyang militar at pandarambong ng US ang kalikasan at mga natural na pananggalang sa mga kalamidad kung kaya mas lalong nagiging mapaminsala ang epekto nito. Dito sa Pilipinas, ipinagpapatuloy ng rehimeng US-Marcos II ang proyektong dam, mina at quarry na malawakang sumisira sa mga kagubatan at kabundukan na sanhi ng mabilis na pagbaha at pagguho ng lupa sa tuwing may kalamidad.
Napalaking kalokohan ng pahayag ni Marcos Jr. na malaking bentahe sa mga Pilipino ang EDCA sites samantalang hinuhugot ang pondo para rito mula sa kaban ng bayan. Isinasaad sa EDCA na libre ang pananatili ng mga tropang Kano sa mga napagkasunduang “sites” kaya walang babayarang buwis ang US para sa paggamit nito ng lupang pagtatayuan ng pasilidad-militar, telekomunikasyon at radio spectrum, tubig, kuryente at iba pang pampublikong yutilidad. Hinuhuthot ng US gamit ang EDCA ang malaking bahagi ng pambansang badyet na idinagdag para sa pambansang depensa at militar. Kapalit nito, binabarat ng gubyernong Marcos Jr. ang pondo para sa kalamidad at iba pang batayang serbisyong panlipunan na kailangang-kailangan ng mamamayan sa harap ng lumalalang panlipunang krisis at mga kalamidad.
Sa pagpapasalamat ni Marcos Jr. sa US, lumalabas na hindi pa rin kaya ng AFP na tumindig sa sariling paa sa kabila ng paggastos ng daan-daang bilyong piso at pagkabaon ng Pilipinas sa utang para imodernisa ang arsenal nito. Bigo ang AFP Modernization Program na tugunan ang mga pangangailangan ng bansa tulad ng disaster response. Malamang na salik dito ang talamak na korapsyon sa loob mismo ng AFP at GRP. Ilang beses nang binentahan ng US ang Pilipinas ng mga bulok at papaog-paog na mga pinaglumaang sasakyang militar na naging lumilipad na “kabaong” ng mga sundalo.
Hindi na nga nakatutulong sa mamamayan, nakatuon ang modernisasyon sa pangwawasak at panunugis sa mga itinuturing na mga palaban sa gubyernong Marcos Jr. Ginagawang praktisan ng mga attack helicopters at fighter jets ng pasistang rehimen ang mga komunidad ng mga magsasaka, manggagawa at katutubo. Sa ilalim ni Marcos Jr., walang-tigil ang aerial bombing at strafing sa Northern at Central Luzon kung saan itatayo ang karamihan ng mga “EDCA sites”.
Walang dapat ipagpasalamat ang mga Pilipino sa imperyalismong US. Kailanman, hindi matutumbasan ng mga ayuda ng US ang halaga ng dinambong at winasak nitong buhay at kabuhayan ng mamamayan. Dapat na puspusang labanan ng sambayanang Pilipino ang ginagawang pang-uupat ng US ng gera laban sa sangkatauhan. Nananawagan ang NDFP-ST sa lahat ng makabayang Pilipino na ubos-kayang labanan at biguin ang pagpaparami ng mga base militar ng US! Ang lumalaking presensya at direktang interbensyon ng US sa mga usapin ng Pilipinas ay sumasagka sa malayang pagsusulong ng patakarang panlabas ng bansa. Dapat na bigkisin ang pagkakaisa ng malawak na mamamayang Pilipino at papanagutin ang gubyernong Marcos II sa lantarang pagpapakatuta nito sa imperyalismong US.
Sa balangkas ng isang tunay na malaya at nagsasariling gubyerno, hindi iniaasa ang pagtugon sa mga sakuna sa mga dayuhan. Ang kakayahang ito kasama ng tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, malaya at nagsasariling patakarang panlabas at iba pa ay hindi natin makakamit hanggang nananatiling nakakubabaw ang imperyalismong US sa bansa. Kung kaya, kinakailangan isulong ng mamamayan ang pambansa-demokratikong rebolusyon upang makamit ang tunay na pambansang pagpapalaya.