Pahayag

Pagpupugay sa KM! Biguin ang kampanyang supresyon at maglingkod sa bayan sa landas ng rebolusyon

,

Binabati ng Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog ang Kabataang Makabayan sa ika-61 anibersaryo nito. Taas kamao kaming nagpupugay sa kapangahasan at kasigasigan ninyong sumuong sa pakikibaka at pangunahan ang iba’t ibang pagkilos upang tutulan at labanan ang laganap na korapsyon ng rehimeng US-Marcos II. Libu-libo ang lumalahok na kabataan sa mga mobilisasyong kontra-korapsyon at kasabay nito’y mahigpit kayong tumutuwang at nakikipag-kapitbisig sa masang anakpawis sa kanilang mga laban.

Ipinamamalas ninyong mga kabataan ang napakalaking potensyal na kinatatakutan ng kasalukuyang rehimeng US-Marcos II. Sa kabila ng pagtarget sa inyo ng estado sa pamamagitan ng mararahas na instrumentong AFP, PNP, NTF-ELCAC at bagong programang National Action Plan for Unity Peace and Development, nagpupursige kayong ilantad ang katotohanan, batikusin ang estado at isulong ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya at tunay na kalayaan.

Sa paghahangad ninyo ng tunay na pagbabago, karahasan at terorismo ang tugon ng estado sa imbing pakana nitong supilin ang kritikal ninyong boses at paglaban. Ipinapakita ng estado ang tunay nilang mukha, bilang mga halimaw na umaatake sa mamamayan lalo sa mga kabataan. Tinatawag kayo ng AFP, PNP at NTF-ELCAC na mga terorista gayong ang hangad niyo lamang ay ang ganap na paglaya ng bayan sa imperyalismo; at pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at abot-kaya at de-kalidad na serbisyong panlipunan.

Hamon sa inyong mga kabataan na labanan ang kasalukuyang ipinatutupad na kampanya ng NAP-UPD ng NTF-ELCAC sa balangkas ng doktrinang “countering violent extremism” ng US. Sa pamamagitan ng kampanyang ito, nais kontrolin ng estado ang inyong isip at gawing maging mga bulag na tagasunod ng papet na estado. Gusto nila kayong ilayo sa landas ng rebolusyon sa pagbabansag na “radikalisasyon” o “terrorist grooming” ang pag-aangat ng inyong kamulatan tungo sa pagsisilbi sa bayan. Pinalalabas na “ekstremismo” ang makatarungan at lehitimong paglaban ng mamamayan sa mapang-api at mapagsamantalang estado. Sa harap nito, napakalinaw ng kasalukuyang kongkretong kondisyon ng bayan kung bakit tayo nakikibaka. Hindi ba’t ang kawalan ng lupa ng magsasaka ang dahilan kung bakit sila nag-aaklas? Hindi ba’t ang pagkakait ng sahod, kaseguruhan sa trabaho at masahol na kondisyon sa paggawa ang dahilan kaya nag-uunyon at lumalaban ang mga manggagawa? Hindi ba’t ang madilim na kinabukasan ng mga kabataan dulot ng pagkakait sa edukasyon at mamanahing mapait na kalagayan ng kanilang mga magulang ang nagtutulak sa inyong makibaka?

Nais lamang dungisan ng mga buhong at palalong AFP-PNP, kasabwat ang imperyalismong US ang pagkamakatarungan ng ating laban! Ngunit habang inaatake tayo ng estado, ipinapakita ng AFP-PNP na sila ang tunay na teroristang naghahasik ng kaguluhan at karahasan sa bayan. Ang kanilang mga pakana para sapilitang magrekluta sa hanay ng kabataan at isailalim sa pasistang indoktrinasyon upang gawing bulag at manhid sa mapaniil na estado ang nagpapatunay na sila ang tunay na nagpapatupad ng terrorist grooming.

Sa harap nito, kapuri-puri ang pagpupunyagi ninyong mga kabataan na isagawa ang kampanyang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kapwa kabataan at masang anakpawis. Balik-aralan at gawin ninyong inspirasyon ang maningning na kasaysayan ng Kabataang Makabayan na tumupad sa kanilang mahahalagang tungkulin sa rebolusyon kahit sa gitna ng madilim na yugtong Martial Law ng diktadurang Marcos. Patuloy kayong mapangahas na umugnay sa masa at maging mapanlikha sa paghahatid ng mensahe ng rebolusyon sa kanila. Ubos-kayang ibigay ang sarili sa paglilingkod sa bayan tungo sa pagkakamit ng tunay na kalayaan at demokrasya!

Pamalagiang bukas ang mga sona at larangang gerilya sa Timog Katagalugan at buong bansa para sa inyong mga kabataang naghahangad ng pagbabago sa landas ng armadong rebolusyon. Naririto ang inyong lugar, kayong namumulat sa hangganan ng ligal at parlamentaryong pakikibaka at nagnanais na wakasan ang kasalukuyang bulok na estadong pinaghaharian ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Kabataan, paglingkuran ang sambayanan!
Sumapi sa NPA!

Biguin ang kampanyang supresyon at maglingkod sa bayan sa landas ng rebolusyon