Pahayag

Dakilang inspirasyon ka ng masang Ilokano, Ka Joma!

Pinakataimtim na pakikiramay sa mga naulilang kapamilya, mga kasama at kaibigan ang inihahatid ng NDF-Ilocos sa pagpanaw ng pinakamamahal nating namumunong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas, si Ka Jose Maria Sison.

Tila natigil ang mundo sa pagkarinig ng NDF-Ilocos sa balita ng pagpanaw ng kasama noong gabi ng Disyembre 16 habang nakaratay sa ospital sa Utrecht,Netherlands. Gayunpaman, sa kabila ng labis na pagdadalamhati, matatag kaming naninindigan at determinadong ipagpatuloy at isulong ang dakilang adhikain ni Ka Joma sa pagpapalaya sa sambayang Pilipino, sampu ng inaaping masang anakpawis sa buong mundo mula sa panggagahis ng imperyalismo at mga galamay nitong naghaharing uri ng mga kapitalista at panginoong maylupa sa iba’t ibang panig ng mundo.

Si Ka Jose Maria Sison, na tubong Cabugao, Ilocos Sur ay ipinagmamalaki ng mga kasama at masang Ilokano sa pamumuno niya sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino at masugid na pagtulong sa pakikibaka ng proletaryado at masang anakpawis sa buong mundo sa kabila ng kaniyang mayamang uring pinagmulan.

Si Ka Joma ay mula sa mestisong angkan ng panginoong maylupang Espanyol-Mehikano at Tsino na dumayo sa Ilocos at naghari dito noong panahon ng kolonyalismong Espanyol. Ang kaniyang lolo sa tuhod na si Don Leandro Serrano ang pinakamayamang panginoong maylupa ng Hilagang Luzon noong ika-19 siglo at ang kaniyang lolo na si Don Gorgonio Soller Sison ay naging gobernadorcillo (mayor) ng Cabugao noong panahon ng kolonyal na paghahari ng Espanyol. Ang kaniyang tiyuhin sa tuhod na si Don Marcelino Crisologo ang unang naging gobernador ng Ilocos Sur at ang kaniyang tiyuhin na si Teofilo Sison ay naging gobernador ng Pangasinan.

Subalit dahil sa kanyang pagkamulat sa Marxistang ideolohiya ng kawalang pag-iimbot. iniwan niya ang karangyaan ng kaniyang pinagmulang uri. Sa halip na gamitin sa pagsasamantala upang magpayaman, ang mga lupaing mana ni Ka Joma sa Cabugao ay ipinasakamay niya sa mga magsasaka. At sa halip na ipagpatuloy ang paghahari sa pulitika ng kaniyang ninuno sa Ilocos at gamitin ito sa pagsusulong sa interes ng naghaharing-uri, nakipamuhay siya sa masang mangggagawa at maralita sa syudad at sa mga magsasaka sa kanayunan. Masikhay niyang inaral ang kanilang kalagayan, minulat at inorganisa para sa armado at demokratikong rebolusyon. Sino sa mga mayayamang naghahari sa lipunang Pilipino ang nakagagawa ng aktwal na pakikipamuhay sa mga maralitang uri upang itaguyod ang kanilang interes, kung hindi ang mga kasamang namulat sa proletaryong paninindigan kagaya ni Ka Joma? Si Ka Joma na nag-aral at nagtapos bilang isang propesor sa burges na pamantasan ay naging proletaryong mag-aaral at guro ng milyon-milyong masang Pilipino at ng mga masang inaapi sa iba’t ibang bahagi ng mundo sa pamamagitan ng masikhay niyang pagtuturo sa mga Marxista-Leninista-Maoistang prinsipyo. Matalino niyang ginamit ang mga teoryang ito sa pagsusuri sa mga sakit ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino, at sa kabulukan at tunguhin ng monopolyo kapitalistang krisis sa daigdig upang isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon at pandaigdigang proletaryong rebolusyon. Ito ay upang durugin ang imperyalismo na numero unong kaaway ng mamamayan ng daigdig at panaigin ang sosyalismo hanggang komunismo.

Dahil sa kanyang pagpupunyagi, matagumpay na muling naitatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong Disyembre 26, 1968, na hanggang ngayong ika-54 taon na, ay matibay pa ring namumuno at tumitindig bilang pinakamaasahang tagapagsulong sa interes ng masang Pilipino, sa kabila ng walang-patid na pakay ng kaaway na durugin ito, Sa kaniyang kapursigehan, pinamunuan ni Ka Joma ang pagtatatag ng Bagong Hukbong Bayan upang magkangipin ang pakikibaka ng sambayanang Pilipino laban sa karahasan ng naghaharing uri at kanilang pasistang armadong puersa. Pinamunuan niya ang pagtatatag ng Pambansa Demokratikong Nagkakaisang Prente upang mabigkis ang lakas ng mayorya ng masang magsasaka at manggagawa upang mabuwag ang kapangyarihan ng naghaharing-uri at maipagtagumpay ang bagong demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino at ibayo pang isulong ito sa sosyalistang rebolusyon.

Sa kabila ng mga paninira ng naghaharing-uri at mga pasistang galamay nila sa pagtalaga sa kaniya bilang terorista, si Kasamang Jose Maria Sison ay kampeon ng tunay na kapayapaan. Mapapatunayan ito sa masugid niyang pagsusulong sa usapang pangkapayapaan ng NDFP at GRP (Gubyerno ng Republika ng Pilipinas) upang lutasin ang mga ugat ng armadong tunggalian dito sa ating bayan, kung saan nangunguna siya sa paglalatag ng mga panukala para sa kumprehensibong kalutasan ng mga sosyo-ekonomikong krisis sa Pilipinas.

Pinagtatawanan lamang ng mga kasama ang pahayag ng kalihim ng Department of National Defense Jose Faustino Jr., na sa pagpanaw ni Kasamang Joma ay tiyak na guguho na ang CPP-NPA-NDF at ang rebolusyon, kung kayat dapat lamang na tayo ay sumuko na. Ang tugon ng NDF-Ilocos dito ay siento porsientong mali si Faustino, dahil sa pagpanaw ni Ka Joma ay maraming kasamang magpapatuloy sa kaniyang simulain at hanggat ang mamamayan ay lugmok sa karukhaan, pang-aapi, korapsyon at lumalalim na krisis sa lipunan dulot ng imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo, susulong ang rebolusyon. Ang NDF-Ilocos ay hindi nanlulumo kundi lalo lang nag-aalab ang aming makauring poot at rebolusyonaryong diwa upang ibayo pang magpunyagi at isulong ang armado at demokratikong pakikibaka dito sa rehiyon.

Habang kami ay tumatangis, taas-kamao kaming nagpupugay sa kadakilaan ng aming kababayan, kamag-anak at kasamang Jose Maria Sison, sa pag-alay ng kaniyang buhay, lakas at talino mula sa kaniyang kabataan hanggang sa pagtanda at pagpanaw, sa pagbibigay ng malinaw na patnubay sa rebolusyong Pilipino upang mapalaya ang sambayan, gayundin ang taos-pusong pagtulong sa pakikibaka ng proletaryado at anakpawis sa iba’t ibang panig ng mundo.

Para sa NDF-Ilocos at masang Ilokano, si Ka Joma ay isang dakilang lider ng rebolusyong Pilipino at ng buong daigdig at hindi matatawarang inspirasyon sa pagpapatuloy at pagpapaigting ng aming rebolusyonaryong pakikibaka dito sa Ilocos.

Mabuhay ka Ka Joma! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!
n

Dakilang inspirasyon ka ng masang Ilokano, Ka Joma!