Dapat salubungin ng paglaban ang 100 araw ni Marcos II sa pwesto

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nangyari ang hindi inabot ng hinagap ng marami. Makalipas ang tatlong dekada, isa na namang Marcos ang nakaluklok sa kapangyarihan. Kasama niya sa trono ang anak ng tiranong si Sara Duterte. Magkasama nilang ipinagpapatuloy ang pagpapasahol ng sistemikong panunupil ng estado, pagbago sa kasaysayan at malubhang pagsasamantala sa masa. Pero hindi pa tapos ang laban ng bayan. Ang galit at diskontentong kolektibong nararamdaman ng nakatatanda at kasalukuyang henerasyo ay dapat maituon sa papalaki at matatag na kilusang masang handang gampanan ang tungkulin ng paggapi sa halimaw na rehimen.

Isang daang araw sa pwesto at walang ibang maipagmamalaki si Marcos kundi ang pamamasyal nila ng kanyang asawa, anak at masusugid na alagad sa iba’t ibang bansa – na ang nagbayad ay ang sambayanang Pilipino. Isang pambansang badyet na nagdudumilat ang mali-maling prayoridad sa harap ng papalubhang panlipunang kalagayan. At isang nakapagngangalit na kampanya ng pamamaluktot sa kasaysayan, pinakamasinsin at sistematikong natunghayan ng bansa sa kasalukuyan.

Sa gitna ng lahat ng mga atakeng ito sa kapakanan at kinabukasan ng mga Pilipino, dapat lalong magsikhay ang mamamayan sa kanilang pagsisikap na ibigwas ang isang makasaysayang kilusang lalaban sa rehimeng Marcos II. Hindi dapat magpatumpik-tumpik ang mga patriyotiko at makabayang propesyunal at pambansang burgesya sa paglahok sa laban ng uring anakpawis para sa pambansang demokrasya at interes ng nakararami. Ito ay isang labang dapat isinusulong ng 99% – lahat ng ang buhay at karapatan ay nakasalalay. Ito ang panahong mamili ng panig. Kung ang paninindigan ay para sa pagkamit ng kalayaan o para sa pagpapatuloy ng pagdurusa ng sambayanan.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng Bikolano na lumahok sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Ubos-kayang labanan at sa huli’y gapiin ang paghaharing Marcos II-Duterte. Dapat maglunsad ng iba’t ibang tipo ng protesta at demonstrasyong bayan upang ipanawagan ang mga kahingian at padagundungin ang mga ito sa buong kapuluan. Kasabay nito, dapat gamitin ang internet at social media bilang panibagong larangan ng labanan sa pagitan ng mga mapanupil at ng sambayanan.

Ang rebolusyonaryong kilusan sa Bikol ay patuloy na nakikiisa sa sambayanang Pilipino sa labang ito. Ang tunay na hukbo ng mamamayan, ang New People’s Army, ay hinihigitan ang mga pagsisikap nito upang makapaglunsad pa ng mga taktikal na opensiba laban sa reaksyunaryong pwersa. Ang mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyong masa ay ibinubuhos ang kanilang mga sarili sa pag-oorganisa sa napakaraming inaapi at pinagsasamantalahan kapwa sa kanayunan at kalunsuran. Ang Partido ay nagpapatuloy sa tungkulin nito bilang taliba ng rebolusyong Pilipino at pinamumunuan ang mga kasapi nito sa pagsisikap sa kanilang mga rebolusyonaryong gawain.

Kapag ang lakas at pagkakaisa ng bayan ay lubusang maipamalas, paano pa mananalo ang kaaway ng mamamayan? Ang mga Marcos at mga Duterte ay mga tigreng papel na ang pagkatalo ay tiyak sa harap ng pag-aalsa ng bayan. Ang lahat ay dapat kumapit sa pag-asa at pag-asam ng isang mas magandang bukas na nagmumula sa tiyak na tagumpay ng matagalang digmang bayan.

Dapat salubungin ng paglaban ang 100 araw ni Marcos II sa pwesto