Demokratikong gubyernong bayan, tunay na gubyernong hangad ng maralitang Pilipino
Pinagpupugayan ng NDFP-ST ang masang anakpawis na magiting na kumikilos at nag-oorganisa ng kanilang hanay upang ipaglaban ang kanilang mga demokratikong karapatan sa mga sentrong bayan at mga mayor na tipunan ngayong Nobyembre 30, araw ng kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio. Kaisa nila, sinisingil ng sambayanang Pilipino ang korap, pasista at papet na rehimeng US-Marcos II sa walang kahihiyang pag-uulit ng kasaysayan ng kanyang tampalasang magnanakaw at diktador na ama.
Isa sa hindi natitinag at matapang na nagrerehistro ang hanay ng maralitang lungsod ng kanilang galit at disgusto sa rehimeng US-Marcos II. Nitong Nobyembre 14, hinatulan nilang “guilty sa korapsyon” sa “Hukuman ng Maralita” ang rehimen sa harap ng opisina ng National Housing Authority (NHA). Ito ay sa gitna ng papatinding kalagayan ng kawalan ng pabahay at kabuhayan ng mga maralita, pagtitiis sa baha at kawalan ng ayuda sa panahon ng mga kalamidad habang nagtatampisaw sa nakaw na pondo ng bayan ang mga Marcos, Duterte at iba pang sangkot sa korapsyon.
Ngayon, sukdulan ang galit nila sa nalantad na maanomalyang proyektong flood control projects (FCP). Sila ang pirming nalulubog sa matitinding pagbaha tuwing may malakas na ulan, laluna kung bagyo—nawawalan ng tirahan, kabuhayan, at minsa’y pati mga mahal sa buhay. Sa Biñan, Laguna, tatlong buwan nang nagtitiis ang mga maralita sa baha na hindi pa bumababa resulta ng palpak na FCP (nagkakahalgang ₱200 milyon) at lokal na sistema ng drainage. Samantala, gumuho na lang ang FCP sa Lucena City, Quezon na nagkakahalagang ₱100 milyon. Kinamumuhian nila ang garapalang katiwalian sa kapinsalaan ng bayan.
Milyun-milyong mamamayang Pilipino ang malaon nang nagtitiis at biktima ng kawalan ng maayos na tahanan o panirikan—isa sa tatlong batayang karapatan ng mga tao kasama ang pagkain at kasuotan. Hindi nagmamateryalisa ang mga pondong inilalaan ng nagpasalin-salin nang administrasyon sa pabahay dahil ang totoo’y napupunta lamang ang mga ito sa bulsa ng mga burukrata kapitalista. Nitong 2015-2022, umabot sa ₱65.43 bilyon ang pondo sa proyektong pabahay ngunit paulit-ulit na nabibigo ang NHA na abutin ang kanilang mga takdang target. Nakatiwangwang lamang ang maraming yunit dulot ng pang-aabuso ng mga kontraktor at mga tunggalian sa interes ng mga burukrata’t iba pang naghaharing-uri.
Mayroon mang natutuloy na mga proyekto, sa esensya’y ipinagkakait pa rin ng mga inutil na rehimen ang batayang karapatan sa porma ng substandard ang materyales, malayo sa kabuhayan o pook-trabaho at walang tubig at kuryente.
Mula pa noon, hindi nilulutas ng mga relocation sites ang kawalan ng tahanan bagkus tulad ng ginagawa sa mga flood control projects at iba pang proyekto ng gubyerno, prente lamang ang mga pangalan ng proyekto para sa sistematikong pangungulimbat ng mga “maginoo” sa buwis at pondo ng bayan.
Tampok sa panggagatas sa mga proyektong pabahay ang daan-daang bunkhouses ng rehimeng US-Aquino II para umano sa mga biktima ng bagyong Yolanda. Inilaan dito ang ₱75.7 bilyon ngunit ₱60 bilyon lamang ang aktwal na ginamit. Higit isang dekada na ang lumipas, hindi pa rin nabibigyan ang 31,000 pamilya ng pabahay at ang kanilang testimonya—hindi ligtas at hindi matirhan ang substandard na bunkhouses.
Sa panahon ng rehimeng US-Duterte, naging biktima ng red-tagging, pandarahas, panununog at pagsira sa pagkakaisa ng mga samahan ng maralita ang mga komunidad ng Kasiglahan Village sa Rizal sa TK. Gamit ang bayarang mainstream media at mga ahente ng NTF-ELCAC, dinemonyo at tinatakan silang mga NPA o komunista para pagtakpan ang kainutilan ng rehimen sa pagtugon sa “responsibilidad nitong ibigay ang napaka-batayang karapatan ng kanyang mamamayan sa tirahan.
Hindi natatapos ang pakikibaka ng maralitang lungsod para sa mga demokratikong karapatan, kasama ang iba pang sektor at uri. Nababatid nilang hindi nila kailanman nakamit ang mga ito sa ilalim ng bulok na sistema ng Pilipinas na malakolonyal at malapyudal.
Nagpupuyos ang kanilang damdamin sa sunud-sunod na pagbaha ng mga impormasyon hinggil sa pandarambong ng burukratikong gubyerno sa pangunguna ng hari at reyna ng korpsyon na Marcos at Duterte. Masidihi ang kanilang paghahangad sa radikal na pagbabago.
Ang “Hukuman ng Maralita” na mismo ang humatol. Ang kawalang pananagutan ng mga “responsable” sa malawakang pandarambong sa loob ng napakahabang panahon ang nagtutulak sa kanilang tahakin ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan at ipagtagumpay ito. Tanging sa pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan lamang tunay na makakamit ng mga maralita at masang anakpawis ang kanilang mga batayang karapatan—pagpaplano sa ekonomya at lipunan para garantiyahan ang seguridad sa pagkain, kasuotan at panirikan kasabay ng pagtamasa sa kalayaan at hustisyang panlipunan.