Sa ika-39 taon ng kawalang hustisya ng Mendiola Massacre, Demokratikong rebolusyong bayan ang sagot sa nagpapatuloy na pasismo at kawalan ng lupa
Nakikiisa ang NDFP-ST sa sambayanang Pilipino sa ika-39 taong paggunita sa Mendiola Massacre na kumitil sa buhay ng 13 magsasaka at halos sandaang sugatan noong Enero 22, 1987. Sa alaala ng mga biktima, muling pinagpupugayan ng NDFP-ST ang kagitingan ng masang magsasaka na daan-taon nang nakikibaka at hanggang ngayon ay matapang na lumalaban para sa tunay na reporma sa lupa at pagwawakas sa iba’t ibang porma ng pyudal at mala-pyudal na pagsasamantala sa kanayunan sa harap ng pasismo ng estado.
Epitomya ng pasismo ng estado ang Mendiola Massacre sa ilalim ng rehimeng US-Aquino I. Ang dapat sanang mapayapang protesta para sa lupa ay pinaulanan ng bala ng mga pasistang tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Habang walang nakakamit na hustisya ang mga biktima ng Mendiola Massacre, sumisidhi ang kultura ng impyunidad at terorismo ng estado. Ipinagpapatuloy ni Marcos Jr. ang pamana ng amang diktador at tradisyon ng reaksyunaryong gubyerno na ipataw ang kamay na bakal sa mamamayan upang panatilihin ang mapang-api at mapagsamantalang sistema.
Hindi kailanman dapat kalimutan ang inhustisya sa Mendiola Massacre sa gitna ng walang tigil na impyunidad ng estado. Pinakahuling pang-aatake sa mamamayan ng Timog Katagalugan ang walang habas na pambobomba ng 203rd Brigade sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro matapos ang labanan sa pagitan ng NPA Mindoro at mga yunit ng AFP noong Enero 1. Iniresulta ng pambobomba ang pagkamatay ng tatlong batang Mangyan Iraya, sumugat sa kanilang ina, pagkamatay ng isang kabataang researcher, iligal na pagdetine sa isa pa, trauma sa mamamayan ng Abra de Ilog at pinsala sa mga alagang hayop. Hindi pa nasapatan, sapilitang pinalayas ng AFP-PNP ang mga residente ng Barangay Cabacao at hinalihaw ang kabundukan. Bukod sa hindi makapaghanap-buhay ang mga magsasaka, matinding pananakot at sarbeylans ang sinapit nila sa kamay ng militar. Sa Abra de Ilog, tampok ang pakikibaka ng mga Mangyan Iraya para sa pagtatanggol ng lupaing ninuno laban sa pangangamkam ng Pieceland Corporation, isang kumpanyang real estate. Nananalasa rin dito ang ang kumpanyang mina na Agusan Petroleum laluna nang ibasura ng Korte Suprema ang 25-taong moratorium sa pagmimina na ipinasa ng municipal council ng Abra de Ilog. Nagsisilbing bantay at pribadong goons ng mga kumpanyang ito ang AFP-PNP na mga instrumento ng panunupil ng estado mula’t sapul. Maging ang mga tagasuporta ng mga magsasaka at katutubo ay inaatake ng estado. Sa nagdaang taon, pinipigilan at nire-redtag ng militar ang mga progresibong organisasyon at grupong makatao na lumalahok sa fact-finding mission sa rehiyon na naglayong alamin ang tunay na kalagayan ng mamamayang biktima ng karahasan.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang sigaw ng bayan para sa hustisya at katarungan. Ang mga dahilan ng protesta sa Mendiola na nilahukan noon ng libu-libong magsasaka ay nagpapatuloy sa kasalukuyan sa mas masahol pang kalagayan. Grabeng paghihirap ang dinaranas ng mga magsasaka dulot ng kawalan ng lupa. Habang ang may mga kapirasong lupa ay pilit na ginigipit, pinapalayas, at inaagawan sa ngalan ng pagpapalit gamit ng lupa o land use conversion. Tampok sa rehiyon ang mga tunggalian sa lupa sa Hacienda Roxas sa Nasugbu, Batangas; Hacienda Yulo sa Laguna; Lupang Ramos at Lupang Kapdula sa Dasmariñas at Lupang Tartaria sa Silang, Cavite; Lupang Arenda sa Rizal; Lupang Almeda sa Occidental Mindoro at marami pang iba. Sa mga komunidad na ito laging nakaamba ang panghaharas ng mga militar at pribadong armadong grupong kasabwat ng mga PML at MBK para palayasin ang mga magsasaka at katutubo.
Maraming mga magsasaka ang nalulugi sa napakataas na gastos sa produksyon at farm inputs habang patuloy ang pambabarat sa kanilang mga produktong bukid. Kulang o halos walang natatanggap na ayuda ang mga magsasaka habang bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan ang napupunta sa bulsa ng iilan dahil sa talamak na korapsyon ng gubyerno. Binabata rin ng mga manggagawang bukid ang lubhang mababang sahod na sadyang hindi makasasapat sa papataas nang papataas na presyo ng bilihin.
Lubog na nga sa kahirapan, ang mga magsasaka rin ang pinakahinahagupit ng pasismo ng militar. Naitala ang 211,447 kaso ng paglabag sa karapatang tao sa hanay ng mga magsasaka mula Disyembre 1,2024-Disyembre 1,2025. Ang mga ito ay resulta ng walang puknat na operasyong militar sa kurso ng inilulunsad na kontra-rebolusyonaryong gera ng estado sa hibang na layuning pulbusin ang rebolusyonaryong paglaban ng bayan. Sa mga komunidad ng magsasaka at katutubo sa Quezon, Mindoro at Rizal, ang mga militar na ang nagiging pangunahing sagka sa kabuhayan ng masa dahil sa paparaming bilang ng mga napililitang iwan ang kanilang kabuhayan (bukid at/o kaingin), o mga komunidad sa tindi ng dinaranas na panggigipit ng mga militar. Resulta nito ang malawakang kagutuman at kahirapan.
Ang ganitong kalagayan ng masang magsasaka ang nagtutulak sa kanila para tumindig at ipagtanggol ang kanilang kabuhayan at karapatan. Sakit sa ulo ng estado ang di mapatay-patay na apoy ng paglaban ng masang magsasaka at malawak na kanayunan sa bansa. Pilit kinukumbinsi ng rehimeng US-Marcos II ang sarili na mapatatahimik nila ang bayan sa pamamagitan ng pasistang panunupil. Ngunit para sa sambayanan, malinaw ang mga batayan para magpatuloy sa pakikibaka hangga’t nananatili ang kawalan ng lupa, inhustisya at terorismo ng pasistang estado.
Pangunahing sandata ng uring magsasaka sa marahas na gera ng rehimen at hatid nitong kahirapan at kagutuman ang demokratikong rebolusyong bayan. Isa itong digmang magsasaka sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas para wakasan ang pasismo at kahirapan. Inilulunsad nito ang rebolusyong agraryo para ibagsak ang kapangyarihan at dominasyon ng uring panginoong maylupa. Itinatayo ang mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika na magtitiyak sa kaayusan at kagalingan ng mamamayan laban sa pagsasamantala at pang-aapi. Isinusulong nito ang armadong pakikibaka na naggagawad ng pamatay na dagok sa estado at pasistang galamay nito na naghahasik ng kasamaan at terorismo sa bayan. Tanging sa pamamagitan lamang ng digmang bayan makakamit ng uring magsasaka at buong sambayanang Pilipinong inaapi at pinagsasamantalahan ang kalayaan, tunay na hustisya at kasaganaan.